Pangarap ko lang noon, tagumpay ko na ngayon

 

Madaling araw pa lang ay nagsisimula na ang araw ni Gabriel Modina, 76, ng Pangasugan, Baybay, Leyte upang paliguan at pakainin ang kanyang mga alagang kalabaw. Pagkatapos nito ay aakayin niya ang mga alaga sa pastulan upang makapagpahinga.

Mag-isang kumakayod si Gabriel para sa kanyang pamilya, hiwalay sa asawa at ulirang ama at lolo sa anak at mga apo. Marami mang pagsubok na dumaan sa kanyang buhay, hindi ito naging hadlang upang magampanan ang kanyang responsibilidad bilang padre de pamilya.

Kwento ni Gabriel, simula pagkabata ay nakagisnan na niya ang pagsasaka at pag-aararo katuwang ang kalabaw. Malaki ang ginagampanan ng hayop sa kanilang pagsasaka kaya naman maingat nilang inaalagaan ang mga ito sa araw-araw.

Hinangad din ni Gabriel na magalaga ng sarili niyang kalabaw balang araw kaya noong malaman ang programa ng DA-Philippine Carabao Center sa Visayas State University (DA-PCC sa VSU), hindi ito nag-atubiling bumisita sa tanggapan para madagdagan ang kaalaman sa wastong pangangalaga ng kalabaw.

Noon lang nalaman ni Gabriel na hindi lang pala pang-araro ang kalabaw kundi pwede rin palang gatasan ang mga ito. Dahil dito, mas lalong naengganyo si Gabriel sa industriya ng pagkakalabaw. Ika nga ni Gabriel: “hindi masamang magtanong dahil sa paraang ito mas marami kang matututunan at mas lalawak ang ‘yong kaalaman tungkol sa mga bagay.”

Kwento niya, dating nagkaroon ng mastitis ang kanyang kalabaw, na noo’y hindi niya alam kung ano ang dapat gawin. Nagtanong, aniya, siya sa mga kaibigan na nag-aalaga rin ng kalabaw nguni’t hindi rin siya nabigyan ng sapat na kasagutan. Nagpasya nang magtungo si Gabriel sa DA-PCC sa VSU, dito’y natugunan agad ang kanyang problema at tinuruan din siya kung ano ang mga dapat gawin at iwasan upang hindi na muling tamaan ng mastitis ang kanyang kalabaw.

Mula noon, sinimulan ni Gabriel na magparami ng alagang kalabaw sa pamamagitan ng artificial insemination. Noong 2011, naging miyembro na rin siya ng Baybay Dairy Cooperative, isa sa mga inaasistehang kooperatiba ng DAPCC sa Visayas State University (DAPCC sa VSU). Isa si Gabriel sa mga napahiraman ng gatasang kalabaw ng DA-PCC.

Nang maggatas na ang kanyang mga purebred na kalabaw, ang mga nakokolektang gatas ay ibinebenta sa kanilang kooperatiba.

 “Napakalaking tulong po ang pag-aalaga ko ng gatasang kalabaw lalong-lalo na sa pagaaral ng aking dalawang apo sa kolehiyo at sa pang araw-araw naming pangangailangan. Dito rin nanggagaling ang pambili ng fertilizer para sa aking palayan. Kung magsusumikap lang ang isang magsasaka na mag-alaga ng gatasang kalabaw, malaki talaga ang kitang makukuha mula rito,” ani Gabriel.

Dahil sa ipinamalas na kasipagan at determinasyon ni Gabriel sa pag-aalaga ng kanyang mga kalabaw ay umaani siya noon ng siyam na litrong gatas sa isang araw. Nasubukan pa niyang kumita ng PHP15,680 hanggang PHP17,640 sa loob ng isang buwan.

Pinagtuunan niya ng pansin ang pagpapataas ng produksyon ng gatas ng kanyang alaga habang pinapanatili ang magandang kalidad nito. Sinisiguro rin niya na maayos ang kalusugan ng kanyang mga kalabaw. Ang kanyang alagang kalabaw na si 2LSC19003 ay nakapagbigay ng 1,855.22 litrong gatas sa loob ng isang lactation period noong 2022, dahilan para makamit nito ang parangal na “Best Dairy Animal Purebred Junior Cow” mula sa DA-PCC sa ginanap na National Carabao Conference (NCC) noong 2023 sa Lamac, Pinamungajan, Cebu.

Dahil sa maayos na pangangasiwa sa kinikita, nakapagpaayos siya ng bahay, nakabili ng bisikletang gamit sa pagdedeliver ng gatas at nakapagpagawa ng milking parlor para sa kanyang mga alaga.

Author

0 Response