Ang pagbabalik sa bansang Pilipinas

 

Tila’y swak ang trending song na “Piliin mo ang Pilipinas” sa kwentong buhay ng dating Overseas Filipino Worker (OFW) sa London na si Jonjon Salas, 43 taong gulang at tubong Magalang, Pampanga.

Kung pangarap ng maraming Pilipino ang makapagtrabaho at manirahan sa ibang bansa para sa mas magandang kinabukasan at mas malaking kita, kabaliktaran naman ang kay Jonjon na gustong makauwi sa Pilipinas upang pausbungin pa ang kanyang hilig sa pagkakalabaw.

Bata pa lamang si Jonjon ay namulat na siya sa hirap ng buhay, nguni’t dahil sa tiyaga ng kanyang mga magulang ay natapos niya ang kursong Bachelor of Science in Agriculture, major in Animal Science.

Kahit tapos na siya sa kanyang pag-aaral, umekstra siya bilang tricycle driver dahil hindi niya planong magtrabaho sa abroad, nguni’t iba pala ang plano ng tadhana.

Buhay OFW

Taong 2002, isa siya sa dalawang pinalad na matanggap bilang isang dairy farmer sa Saudi Arabia mula sa mahigit 100 aplikante. Sa araw ng interview, inakala ni Jonjon na hindi siya mapipili dahil tanging bio-data lamang ang dala niya habang ang ibang aplikante ay may mga dalang manuscript.

Naging dairy farmer siya ng mahigit limang taon sa Saudi Arabia. Taong 2007, lumipat ang kumpanyang pinagtatrabahuhan niya sa London, United Kingdom at namuhay sila roon kasama ang kanyang asawa at tatlong anak.

Sa pagsusumikap at pagtutulungan nilang mag-asawa ay napagtapos nila ang kanilang panganay na anak na ngayon ay nurse na rin sa London.

Bilang isang matiyaga, masipag, at determinadong dairy farmer sa loob ng 22 taon sa ibang bansa, ang kanyang sahod ay umabot na sa mahigit six digits kada buwan. Nguni’t para kay Jonjon, ang sukatan ng tagumpay ay hindi sa dami ng laman ng bank account o sa kayang bilhin. Para sa kanya, maituturing na tagumpay kung magagawa mo ang mga bagay na makapagpapasaya sa’yo.

“Hindi habang buhay ay magtatrabaho ka lalo na sa larangan namin sa dairy farming. Naisip ko na dahil may skills at kaalaman ako sa dairying at may kaunting naipon, magpundar na lang kaya ako ng negosyo na ako ang makikinabang sa kakayahan ko,” sabi ni Jonjon.

Pagbabalik sa Pilipinas

“Sa 22 taon na pagtatrabaho sa ibang bansa, nabibilib ang mga dayuhan dahil sa pagiging hardworking nating mga Pinoy. Lagi tayong pinupuri pero bakit sila ang nakikinabang? Bakit hindi ako ang makinabang, tayong mga Pilipino?” saad niya.

Noong 2016, nagsimula siyang magpundar ng sarili niyang bukid kung saan una siyang nagalaga ng kambing at baka. Dahil kasalukuyan siyang naninirahan kasama ang kanyang pamilya sa London, hindi niya ito natutukan nang maigi. Hanggang noong 2020, habang nasa London at kasagsagan ng COVID-19 pandemya, bumili siya ng 14 na bulo.

“Hindi mo makukuha sa biglaan yan. Nagtataka sila, bakit bulo ang binili ko. Bakit pa raw ako bumili ng bulo at hindi pa dumalaga na kaagad,” saad niya.

Naniniwala si Jonjon na ang paglago ay hindi nangyayari nang mabilisan. Kailangang magsimula muna sa umpisa. Kailangan ng tiyaga at mahabang pasensya dahil ang tagumpay ay walang shortcut at hindi ito overnight success.

Habang siya ay nasa London, nagpakabit siya ng CCTV sa kanyang farm upang mabantayan niya nang maigi ang mga alagang kalabaw.

Bagong simula sa Pilipinas

Gusto niya na sa kanyang pagtanda, kahit wala na silang trabaho ng kanyang asawa, ay may aasahan pa rin silang source of income. Abril ng taong 2024, minabuti ni Jonjon na bumalik sa Pilipinas upang sundin ang itinitibok ng puso—ang manirahan muli sa bansang kanyang sinilangan at itaguyod ang sarili niyang dairy farm. Nagsimula siya sa 14 na bulo at ngayon, siya ay may 22 kalabaw, at ang dalawa sa mga ito ay buntis. Ang kanyang pagsisikap na magtagumpay sa larangan ng agrikultura ay nagpapatunay ng kanyang dedikasyon sa pagpapabuti ng kanyang pamayanan. Marami na rin silang sinusuplayan ng gatas sa kanilang lugar. Kabilang na ang isang sikat na sweet delicacy store sa bansa.

Mga plano at pangarap

Kasalukuyan din siyang nagpapagawa ng kanyang karinderya at balak niyang magtayo ng processing center upang mas lumawak pa ang kanyang negosyo sa pagkakalabaw. Nais niyang mas makilala sa kanilang lugar ang kahalagahan ng gatas at hindi lang raw milk ang pwedeng pagkakitaan kundi pati na rin ang iba’t ibang produktong gatas na ipinroseso upang maging chocomilk, kesong puti, yogurt, at iba pa.

Sinusuportahan din siya ng DAPCC sa CLSU. Binigyan siya ng AI kit na mas lalong nakatulong sa pagpaparami ng kanyang alagang kalabaw. Dahil sa 22 taon niyang karanasan sa ibang bansa, naging madali sa kanya ang paggamit nito at naiaapply niya ang kanyang mga natutunan.

Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, buo ang loob ni Jonjon na suungin ang negosyo sa pagkakalabaw. Para sa kanya, ito ang paraan upang magkaroon ng sustainable na kabuhayan. Ang kanyang determinasyon, kasipagan, at pagmamahal sa sariling bayan ang nagtulak sa kanya upang ipagpatuloy ang kanyang adhikain.

“Dapat may puso at passion ka dito sa dairy. ‘Yon ang pinakaimportante, kasi kung may passion ka, kahit na bumagsak ang negosyo mo at mamatayan ka ng kalabaw, malalampasan mo ýon, isang challenge lang ‘yon para paghusayan mo pa,” pagbibigay diin niya.

 

Ang kwento ni Jonjon ay isang patunay na may mas higit pang kaligayahan kaysa sa ligayang ibinibigay ng pera o materyal na bagay — ito ay ang pagtupad sa ninanais ng puso at paggawa ng mga bagay na magbibigay ng tunay na saya at kapanatagan.

Author

0 Response