Sumisikat na pagkakalabawan sa Sultan Kudarat

 

"Hindi lang para sa amin ang napulot na bagong kaalaman sa pagkakalabawan, kundi pati na rin sa aming mga anak—ang mga nagsisilbing pag-asa sa kinabukasan ng pagsasaka."

Ito ang naging sambit ni Ricky Apduhan, isang magkakalabaw mula sa Pres. Quirino at isa sa 214 na magsasakang nagtapos sa School on the Air on Dairy Buffalo Production (SOA-DBP) noong Disyembre 11 sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

Nagsimulang umere ang SOA-DBP noong Nobyembre 25 na nag-aalok ng mga makabago at praktikal na kaalaman para sa mga nag-aalaga ng kalabaw sa Sultan Kudarat na pinangunahan ng DA-Philippine Carabao Center at USM.

Ayon kay DA-PCC sa USM Center Director Geoffray R. Atok, ang probinsya ng Sultan Kudarat ay isa sa mga lugar na binibigyan ng prayoridad upang palakasin ang kanilang Carabao Development Program, na may layuning maparami ang mga kalabaw at mapataas ang produksyon ng gatas sa nasabing probinsya.

"Ang SOA-DBP ay isang programang nakatuon sa pagpapalaganap ng teknolohiya at tamang kaalaman sa pag-aalaga ng kalabaw. Tulad nga sa tagline ng probinsya na "SK, Sikat Ka!", nais nating iparating na kasama ang pagkakalabawan sa pagpapaunlad ng industriya ng agrikultura na makikinabang hindi lamang sa mga magsasaka kundi sa buong komunidad.

Sa pagtatapos ng SOA-DBP, ibinahagi naman ni Jeffrey A. Rabanal, senior science research specialist, ang pasasalamat sa mga partner-municipalities at mga magsasakang tumutok sa programa.

"Mula sa mga ibinigay ninyong feedback, tiyak na dadami na ang mag-a-avail ng mga serbisyong pagkakalabaw tulad na lamang ng artificial insemination. Hindi ito ang magiging huling interbasyon ng aming ahensya, pinapalakas palang natin ang pagkakalabaw sa inyong probinsya," dagdag ni Rabanal.

Dumalo rin sa pagtatapos ang mga kinatawan ng City Agriculture at Veterinary Office ng Tacurong City, pati na rin ang Sultan Kudarat Provincial Agriculture Office, na nagbigay ng suporta sa programa at sa mga magsasakang nagsikap upang mapabuti ang pamamaraan nila sa pag-aalaga ng kanilang mga kalabaw.

Author

0 Response