Magkakalabaw, may abogadong anak na!

 

Magpapaskong may abogadong anak ang mag-asawang carapreneurs na sina Gracia at Rolly Mateo Sr. ng Asingan, Pangasinan.

Kwento ni Rolly, walang mapagsidlan ang tuwa niya nang makarating sa kanya ang balitang pumasa sa 2024 Philippine Bar Examination ang kanyang anak na si Yvette. Dali-dali siyang umuwi ng kanilang bahay upang personal na makita ang resulta at mabati ang kanyang anak.

“Bata pa lang po si Yvette pangarap na niyang maging abogado. Palagi niyang ipinagtatanggol ang mga kapatid niya sa tuwing may mangungutya sa kanila. Noon pa lang ay napansin ko nang katangian na talaga niya ang maging tagapagtanggol ng mga nangangailangan,” wika ni Rolly.

Pang-apat sa anim na magkakapatid, nakapagtapos ng Juris Doctor o Doctor of Law si Yvette noong 2023 sa University of the Cordilleras.

“To be part of the legal profession po is a privilege. Every time I imagine myself na may matutulungan ako in the future kapag abogado na po ako, parang nawawala po ‘yong thought na ‘nahihirapan na ako’ noong time na nag-aaral po ako. The title of being an attorney comes with great responsibility. Kaya I pray that the Lord continues to give me courage and wisdom po para maging effective na abogado,” pagbabahagi ni Atty. Yvette.

Naging prinsipyo na ng pamilya Mateo ang pagtulong sa kapwa lalo na sa mga kapos-palad sa kanilang komunidad dahil sa mahabang panahon, anila, ay naranasan nila ang sobrang kahirapan. Kaya naman para sa kanila, hindi dapat mag-alinlangan ang sinuman na magsimulang tumulong kahit sa maliliit na bagay dahil kapag nasundan ito ng marami pang tulong mula sa iba ay malaki ang magiging katumbas at epekto nito kapag pinagsama-sama.

“Ngayon pong pasado na ako sa bar exam, because of God’s grace, I am reminded po of why I enrolled law in the first place. Gusto ko pong magsilbi para sa mga underprivileged because I know how it feels like to barely survive a day. And it is our family's dream to help those struggling po. All for God’s glory,” pagpapatuloy ni Atty. Yvette.

Buong-puso namang ipinagpapasalamat ni Rolly ang naging tagumpay na ito sa mga gatasang kalabaw na ipinagkatiwala sa kanya ng DA-Philippine Carabao Center (DA-PCC).

“Iyong makapagtapos sila ng pag-aaral ay labis na kaligayahan nang maituturing bonus na lang din po na nakakapasa sila sa mga ganitong exam. Ito po talaga ang ipinagmamalaki kong tagumpay sa pagkakalabaw. Noong nafeature ako sa magazine ng DA-PCC dati, sinabi ko doon na galing sa pagkakalabaw ang ipinampaaral ko sa kanila. Proud carapreneur po ako!,” masayang sambit ni Rolly.

Sumang-ayon naman si Atty. Yvette na dahil sa pagkakalabaw kaya nasuportahan ang pag-aaral nilang magkakapatid.

“Blessing po samin 'yong negosyong kalabawan. I believe po that God acted through PCC to help us achieve this dream,” ani Atty. Yvette.

Isa si Rolly sa napahiraman ng isang buntis na gatasang kalabaw ng DA-PCC sa Don Mariano Marcos Memorial State University (DA-PCC sa DMMMSU) noong 2007, na itinuturing niyang hudyat sa pagbabago ng kanilang buhay.

Hindi nagtagal, nabigyan ulit siya ng isa pang kalabaw dahil sa sigasig niya sa pag-aalaga.

Mula sa dalawa, naparami na niya ito sa tulong ng kanyang pamilya, teknolohiya, at wastong pag-aalaga at pamamaraan sa pagpapalahi. Ngayon ay mayroon na silang mahigit 70 kalabaw na inaalagaan.

“Salat po talaga kami sa pera noon, isa o dalawang beses lang kaming kumain. Nakikipasada lang ako at nakikisaka noon tapos PHP200 lang ang kinikita sa isang araw. Paano namin ‘yon mapagkakasya sa anim na anak? Napakaimposible na mapag-aral namin silang lahat. Hanggang sa dumating ang programa ng DA-PCC na nagbigay sa’min ng pag-asa at nag-ahon sa’min sa kahirapan,” pagbabalik tanaw ni Rolly.

Dagdag pa niya, ang dating imposible ay naging posible dahil sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng negosyong salig sa kalabaw. Ngayon, dalawang anak na lang ang natirang pinag-aaral nila na parehong kumukuha ng kursong veterinary medicine.

"Biyaya mula sa Diyos" kung ituring ni Rolly ang nasumpungang kabuhayan sa pag-aalaga ng kalabaw at mga kaakibat na tagumpay na dala nito. Kaya naman ang payo niya para kay Yvette ay magsilbing biyaya rin sa iba sa pamamagitan ng pagtulong na maibigay ang nararapat na hustisya sa mga nangangailangan.

Author

0 Response