Ka.la.baw Milk Bar & Café

 

"Tara kape tayo!" ‘Yan ang madalas nating marinig lalo na sa panahon ngayon dahil umulan man o umaraw, kape na may gatas ang isa sa mga paboritong inumin ng mga Pilipino kaya naman patok na patok ang mga café o coffee shop bilang negosyo.

Ayon sa 2017-2022 Philippine Coffee Industry Roadmap ng Department of Agriculture, sa paglipas ng mga taon ay patuloy ang paglago ng industriya ng coffee shop businesses sa Pilipnas, patunay lamang ito na dumarami na ang tumatangkilik sa mga inuming gawa sa kape. Kasabay ng paglago ng industriya ng kape ay ang pagtaas din ng demand sa gatas dahil hindi makukumpleto ang paborito ng karamihan na iced coffee at hot coffee kung walang gatas. Pangunahing sangkap din ito ng iba pang inumin tulad ng fruit shakes at frappes na kadalasan ay ibinebenta rin sa mga café at coffee shops/

Kung gaano katapang ang kapeng puro ay ganoon din katapang ang negosyanteng si Mara Isabel M. Ferraris, na 34 taong gulang nang subukan ang isang negosyong walang kasiguraduhan.  Ang pagnanais ni  Mara na magtayo ng kanyang sariling coffee shop business ay nag-umpisa lamang sa isang adbokasiya na naglalayong isulong ang pag-inom ng gatas ng kalabaw lalo na sa mga kabataan.

Bukod sa kape at gatas ng kalabaw ay mayroon din silang ibang mga produkto tulad ng kesong puti at pastillas. Maliban dito ay mayroon din silang tindang snacks tulad 
ng quesadilla, fries at pizza. Paboritong itambal sa mga ito 
ang milkshakes, iced drinks, coffee frappés, at flavored 
juices.

Adbokasiya

Nag-umpisa lang sa pagbebenta ng bote-boteng gatas ang pamilya nina Mara dahil noon pa man ay mayroon silang dairy farm. Ang kagustuhan ni Mara na maisulong ang gatas ng kalabaw ay hindi lamang natatapos sa pagbebenta nito kung kaya nag-isip siya ng iba pang paraan para mas mapalaganap pa ang maraming benepisyong hatid ng gatas ng kalabaw. “Nag-isip talaga ako ng way to innovate on how we promote carabao’s milk, so ang target market ko talaga dito ay 'yong mga hindi namin ma-reach sa bote-bote naming pagtitinda—ito 'yong mga Gen Z o mga teenagers,” saad ni Mara.

Dagdag pa niya, may mga nakakasalamuha siyang hindi pa nakakaalam tungkol sa gatas ng kalabaw at karamihan dito ay mga kabataan, kaya naman mas tumindi ang kagustuhan niyang isulong ang pag-inom ng gatas ng kalabaw.

Ang kahanga-hangang determinasyon ni Mara na makilala ng marami hindi lang ang kanyang negosyo kundi pati na rin ang gatas ng kalabaw ay isa lamang sa kanyang adbokasiya. Isa rin sa isinusulong niya ang pagsuporta sa ating mga lokal na produkto kaya naman halos lahat ng mga kagamitan sa kanyang milk bar ay gawang lokal. Nais ni Mara na makahikayat ng iba pang mga nagnanais na subukan ang isang negosyo na tulad ng kanya. “Kapag feeling niyo na kaya niyo, i-go niyo na! If you feel confident na sa capacity mo at sa ideas mo, gawin niyo na agad, huwag na kayong maghesitate,” saad ni Mara.

Pagsubok

Sa kabila ng kanyang trabaho bilang isang sales engineer ay hindi mawawala ang pagnanais ni Mara na subukan ang isang negosyong ngayo’y patuloy na lumalago at nakikilala ng maraming tao. Bilang abala sa kanyang trabaho ay naging katuwang niya ang kanyang asawa sa pamamahala sa kanyang negosyo, lalo na noong unang taon pa lang nito.    

Ang isa pa sa mga naging mahirap para kay Mara ay paghahanap ng tauhan. Batid ni Mara na mahirap talaga ang paghahanap ng mapagkakatiwalaan, lalo na’t minsan lang siya makadalaw sa kanyang café dahil sa kanyang trabaho. Nguni’t, sa tatlong taon nang nakatayo ang kanyang negosyo ay ipinagpapasalamat niyang responsable at maalam nang mga nahanap niyang katuwang sa pagpapatakbo ng kayang negosyo. 

Ang Ka.la.baw Milk Bar & Café ay matatagpuan sa Buhay na Sapa, San Juan, Batangas. Mas pinili niya na hindi sa bayan magpatayo ng cafe dahil walang sapat na espasyo para sa parking lot. Naging pagsubok din para sa kanya kung ano pa ang maaari niyang idagdag na produkto sa kanyang café bukod sa gatas ng kalabaw. 

Plano

Pinatunayan ni Mara na hindi balakid ang pagiging abala sa kanyang trabaho upang tugunan ang pangangailangan ng kanyang negosyo. Sa kabila nito ay madami pa siyang mga plano sa hinaharap at isa na rito ang buksan ito para sa franchise. “Ang franchise business kasi mata-tap mo ‘yong mga areas na wala kang koneksyon using the franschisor para mas mai-promote ‘yong gatas ng kalabaw,“ aniya. 

“Ang purpose talaga namin is to help the Philippine Carabao Center to market and promote carabao’s milk,” saad ni Mara. Sinong mag-aakala na ang isang negosyante ay ipapangalan ang “kalabaw” sa kanyang negosyo? Para kay Mara, bukod sa gatas ng kalabaw ang kanilang pangunahing produkto, mas pinili niya ang pangalang “kalabaw” upang makaakit ng madaming tao na subukan ang kanilang produkto dahil kapag narinig ang “Ka.la.baw Café & Milk Bar” ay bago ito sa pandinig at kakaiba. 

Ang kwento ni Mara ay isang patunay lamang na kapag mahal mo ang ginagawa mo at may mabuti kang hangarin ay mapagtatagumpayan mo ito.

Author

0 Response