Rebolusyon kontra malnutrisyon sa silangang Luzon

 

Puksain ang malnutrisyon!

Sa dakong silangan ng Luzon, isang makabuluhang rebolusyon ang patuloy na umuusbong—ang rebolusyon na may layuning palakasin at pasiglahin ang kalusugan ng mga kabataan sa pamamagitan ng gatas ng kalabaw.

Ang pagtutulungan ng DAPCC at University of the East (UE) ay nagbunsod ng isang feeding program na direktang nabenepisyuhan ang 60,000 magaaral.

Habang laganap ang malnutrisyon sa marami pang komunidad, ang inisyatibang ito ay tugon para maibsan ang problema sa mga kabataang mag-aaral.

Pinagsamang lakas ng katipunan

Parehong sinusuportahan ng DAPCC at ng UE ang dalawa sa 17 na Sustainable Development Goals ng United Nations—ang Zero Hunger at Good Health and Well-Being.

Ayon sa World Bank Group, laganap ang micronutrient undernutrition sa Pilipinas: 38% ang mga sanggol na anim hanggang 11 na buwang gulang at 26% ang mga batang 12-23 buwang gulang. Halos 17% ng mga batang may edad na 6–59 buwan ang dumanas ng kakulangan sa Bitamina A (2018), kung saan ang mga batang may edad na 12–24 buwan ang may pinakamataas na prevalence (22%) na sinundan ng mga batang may edad na 6-12 buwan (18%).

Upang maibsan ang malnutrisyon sa mga bata sa silangang Luzon, ang pagsasanib-pwersa ng pribado at pampublikong sektor ang isa sa nakikitang solusyon ng isang magaling na lider ng isang kinikilalang unibersidad.

Taong 2012, iminungkahi ni Dr. Zosimo Battad, dating deputy executive director ng DA-PCC, dating chancellor, at ngayon ay president ng University of the East, na idagdag ang milk feeding bilang isa sa extension activity ng unibersidad.

Naniniwala si Dr. Battad na sa pamamagitan ng milk feeding gamit ang gatas ng kalabaw, unti-unting napupuksa ang malnutrsiyon sa buong bansa.

“Ipinapakita ng partnership na ito ang commitment natin para sa pag-unlad ng mga komunidad at ang kahalagahan ng pagtutulungan ng academic at government institutions upang solusyunan ang mga social issues gaya ng malnutrisyon,” saad ni Dr. Battad.

Ang feeding program ng UE ay naipapalaganap na sa Laguna, Bataan, Bulacan, at Cavite.

Maliban sa mga batang natutulungan ng proyektong ito, maraming magsasaka rin ang nakikinabang. Ang mga gatas ng kalabaw ay binibili ng UE mula sa ilang kooperatiba sa Nueva Ecija.

Ayon kay Dr. Rogelio Espiritu, director ng Office of Extension and Community Outreach ng UE, naglalaan sila ng PHP135,000 sa isang taon para sa kanilang feeding program. Kung susumahin, aabot na sa PHP1.6 milyon pondo ang nagastos ng unibersidad mula pa noong nailunsad ang programa noong 2012.

“May mga eksperto kami na sumisiguro sa suplay at kalidad ng gatas upang siguradong ligtas ang ipinaiinom sa mga mag-aaral,” pagbabahagi ni Dr. Espiritu.

Lumagda ng MOA noong Setyembre 17, 2024, ang UE, DA-PCC, at bayan ng Cabuyao, Laguna para maihatid ang feeding program sa mga piling batang mag-aaral. May 60,000 packs ng sterilized milk ang naipamahagi sa mga kindergarten na magtatagal ng 120 araw.

Minomonitor din ng UE ang academic progress ng mga bata sa pamamagitan ng pakikipagugnayan sa mga school heads at local health offices.

Tinularan ang programang ito ng UE ng Cebu Institute of Technology-University sa Cebu City. Noong Marso 2024, inilunsad nila ang kanilang sariling feeding program sa pakikipagtulungan ng Lamac Multi-Purpose Cooperative, isang kooperatibang inaasistihan ng DA-PCC sa Ubay Stock Farm.

Kinilala rin ang gawaing ito ng UE sa mga international awards sa Malaysia at Indonesia.

Gaya ng sinabi ni Dr. Battad, ang mga batang tinutulungan nila ay lalaking mga lider, guro, o negosyante na magiging mabubuting kabahagi ng komunidad.

Author

0 Response