The Udder Farm

 

“I am a proud graduate of FLS-DBP!”

Ito ang matamis na salita ni Fidelito G. Dorado, 55, ng President Roxas, Cotabato habang siya ay nagbabalik tanaw sa kanyang naging paglalakbay sa pagkakalabawan buhat nang magtapos sa Farmer Livestock School on Dairy Buffalo Production (FLS-DBP) na isinagawa ng DA-Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao (DA-PCC sa USM) noong 2022.

Ang FLS-DBP, isang inisyatiba ng DA-PCC sa pakikipagtulungan ng Livestock Research Division ng Department of Science and TechnologyPhilippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD), ay naglalayong mapabuti ang pamamahala ng mga gatasang kalabaw sa bansa sa pamamagitan ng mga angkop na teknolohiya para sa mga magkakalabaw.

Ang pagsasanay tungo sa tagumpay

Simula pa noon, agrikultura na ang nakagisnang buhay ni Tatay Fidel—sanay magtrabaho sa lupa, magtanim ng mga prutas, at mag-alaga ng mga hayop. Tanda ng kanyang kayumangging kutis ang matagal na pakikibaka sa ilalim ng araw at ulan. Sa kabila ng mga pagbabago sa teknolohiya at mga hamon sa agrikultura, nanatiling matatag si Tatay Fidel sa kanyang tungkulin. Para sa kanya, ang pagsasaka ay hindi lang isang hanapbuhay, kundi isang pamana at misyon na magbigay-buhay sa kapwa.

Noong taong 2019, nagsimulang umugong ang programang pagkakalabawan sa kanilang bayan. Laman ng mga balita ang pagbibigay ng mga gatasang kalabaw, pagsasanay sa pag-aalaga ng mga ito, pagpapatayo ng ‘Dairy Box’, at mga benepisyo mula rito.

Isa si Tatay Fidel sa napili ng DA-PCC sa USM at Sta. Catalina Multi-Purpose Cooperative (SCMPC) na sumailalim sa FLS-DBP noong 2022. Isa sya sa 20 na mga kalahok na nagtapos sa humigit-kumulang 34 na linggong pagsasanay na may mga paksa at aralin tungkol sa pagkakalabawan. Hindi tulad ng mga tradisyunal na pagsasanay, ‘bite size’ ang hatid ng FLS-DBP na mga impormasyon para sa mas madaling pag-unawa o pagkatuto.

“Hindi na tayo bumabata. Dapat makapili tayo ng swak na programa, hindi lang para sa’tin kundi para sa ating pamilya. Maraming proyekto na dapat pasukan pero ang tanong lang doon, saan pinakamalapit ang puso mo? Mahirap lahat pero mas madali siya kung sa simula pa lang, tama na ang mindset mo at tama na ang desisyon mo,” kwento ni Fidel.

Aniya, simula noon ay isinapuso na niya ang bawa’t paksa ng FLS-DBP tulad ng mga paraan ng pagpapakilos ng komunidad para sa pagpapaunlad ng kalabaw, tamang pag-aalaga sa gatasang kalabaw, pagnenegosyong salig sa kalabaw, at pagpili sa mga angkop na teknolohiya sa bawa’t indibidwal.

Bago mabiyayaan ng kalabaw si Tatay Fidel, tiniyak niya munang tama, angkop, at handa na ang kanyang bukirin. Tulad ng itinuro sa kanila ng mga farmer-facilitators ng FLS-DBP, nagtanim siya ng improved forages, naghanda ng malinis na mapagkukunan ng tubig, at nagtayo ng tamang pabahay

“Kung mapapansin niyo— ang housing ko, that was designed from FLS-DBP lecture. Kinuha ko to the smallest detail kahit ‘yong pagtimpla ng semento. Kung hilaw ‘yong semento, maaaring masira at maperwisyo ang mga kalabaw. Quite expensive siya, pero 20 years ang lifespan, bawing-bawi pa rin,” saad niya.

Hindi naglaon, nabiyayaan si Tatay Fidel ng gatasang kalabaw noong Enero 2023. Labis ang naging tuwa niya nang maigawad sa kanya ng DA-PCC sa USM at SCMPC ang sampung gatasang kalabaw na dati’y pinag-aaralan lang niya sa kanilang pagsasanay. Sa katunayan, pinangalanan n’yang ‘The Udder Farm’ ang kanyang bukirin bilang tanda na magiging progresibong milk production site ito.

Tulad ng lahat ng mga sumusuong sa pagnenegosyo, hindi naging madali ang pagsisimula ng ‘The Udder Farm’. Nariyan ang mga pagsubok tulad ng pagbubuntis ng mga kalabaw, dekalidad na produksyon ng gatas, at maging ang market nito.

“Lahat ng sitwasyon ay unique katulad ng iba na gustong magalaga pero wala naman silang pagtataniman o mayroon naman silang lupa pero hindi naman maka-construct ng bahay. O kaya may lupa sila, may bahay pero wala naman silang pasensya para magwork ‘yong project.” Aniya, “hindi overnight mayroon agad income sa kalabawan.”

Dagdag pa ni Tatay Fidel, “Hindi kami iniwan ng DA-PCC sa proyektong ito, nariyan sila parati sa likod namin para tulungan kami. Pero syempre, dapat hindi lang tayo aasa sa iisang agency.”

Dagdag pa niya, “Dapat marunong ang mga magsasaka na mag-benchmark sa mga kapwa nila maggagatas upang sa gayon ay matuto tayo sa mga best practices at mga experiences nila,” dagdag pa niya.

Sa ngayon, isa na ang The Udder Farm sa nagsusupply ng gatas sa SCMPC upang gawing dekalidad na produkto ng Dairy Box – Pres. Roxas at sa milk feeding program nito sa Region XI at Region XII.

Tunay nga na kahit may mga hamon siyang kinakaharap, pananalig at tamang kaalaman ang mga sandigan ni Tatay Fidel para patuloy na paghusayin ang pagkakalabawan.

Author

0 Response