Carabao Health Caravan #TatakAlagangPCC

 

Sa gitna ng COVID-19 pandemic, maraming a gitna ng COVID-19 aspeto ng buhay ang nagbago— isa na rito ang sektor ng agrikultura. Nakaapekto ito sa food supply chains dahil sa mga labor shortages at backlogs na sanhi ng mga restriksyon ng COVID-19. Hindi rin nakaligtas ang ekonomiya ng bansa, dahil bumaba ang purchasing power ng mga indibidwal, nagkaroon ng pagbagsak sa produksyon, benta at pagkalugi ng mga producers o suppliers. Maliban dito, nagkaroon din ng kakulangan sa mga serbisyong beterinaryo at pagsubaybay sa kalusugan at reproduksyon ng hayop.

Kritikal at mahalaga ang serbisyong beterinaryo upang masuri at matiyak na ang mga kalabaw ay walang sakit at nasa mabuti at magandang kondisyon. Ang maayos na pangangalaga ng kalabaw ay nagreresulta sa mataas na produksyon at kita, at nakatutulong din sa pag-iwas sa pagkalat ng mga sakit na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng tao at sa kalidad ng produkto mula sa kalabaw, tulad ng karne at gatas.

Serbisyo para sa kalabaw

Ang DA-Philippine Carabao Center (DA-PCC), bilang isang ahensya sa ilalim ng Department of Agriculture (DA), ay may mandato na pangalagaan, paramihin, at itaguyod ang lahi ng kalabaw para sa karne, gatas, balat at lakas nito para mapakinabangan ng mga magsasaka.

Bahagi ng programa ng DAPCC sa carabao development ay ang Genetic Improvement Program (GIP), na may layunin na mapaganda ang kalidad ng lahi ng mga kalabaw upang tumaas ang potensyal nito sa produksyon ng gatas at karne. Dahil dito, kritikal na masubaybayan ang estado ng mga hayop para sa epektibong pag-aalaga at pagtiyak ng kalusugan.

Upang maibsan ang problemang dulot ng pandemya sa mga isyung pangkalusugan ng mga kalabaw, isinagawa ng DA-PCC sa University of the Philippines Los Baños (DA-PCC sa UPLB) ang Carabao Health Caravan (CHC) program noong 2021, sa pangunguna ni Dr. Jessica Gay M. Ortiz, farm superintendent II ng DA-PCC sa UPLB.

“Ginawa natin ang CHC, katuwang ang mga LGU, upang regular at mabilis ang paghahatid ng serbisyong beterinaryo sa ating mga magkakalabaw. Kasabay nito ay naipopromote din ang ating mga kooperatiba,” ani Dr. Ortiz.

Kabilang sa mga libreng caravan ang konsultasyon at gamot, pagpupurga (deworming), pagbibigay ng bitamina at bakuna (kung available). Dagdag pa rito ang pregnancy diagnosis (PD), ovarian palpation, pagsasagawa ng sabayang paglalandi o estrus synchronization (ES), at pagsusumpit o artificial insemination (AI). Maliban dito, mayroon ding serbisyong pangkawan tulad ng ear tagging at imbentaryo. Ang mga serbisyong ito ay isinasagawa sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Unang naisagawa ang programa sa mga bayan ng Magdalena, Laguna; Rosario, Batangas; at General Trias, Cavite. Katuwang ng DA-PCC ang Office of the Provincial Veterinarian (OPV), Municipal Agriculturist Office (MAO) ng mga lokal na pamahalaan (LGU), at ang mga village-based artificial insemination technicians (VBAITs).

“Malaki ang naitulong ng CHC sa mga beneficiaries ng programa dahil sa layunin nitong magkaroon ng magandang kalusugan ang mga alagang kalabaw. Kapag maganda ang kalusugan ng kalabaw, makakapag-produce ito ng high-quality na gatas na pinagmumulan ng kita at nakatutulong sa kabuhayan ng mga magkakalabaw sa Magdalena,” ani Norberto B. Licong Jr., municipal agriculturist ng Magdalena, Laguna.

Kabilang ang Magdalena, Laguna sa mga bayang regular na pondo at nagsagawa ng CHC sa kani-kanilang lugar. 

Sa mga nakaraang taon (mula 2022-2023), halos 671 na magkakalabaw at 1,810 na kalabaw ang nakinabang at nabigyan ng serbisyong beterinaryo mula sa Magdalena, Laguna; Rosario, Batangas; at General Trias, Cavite.

Author

0 Response