ma, pa, ako naman

 

Isang pangkaraniwang bata sa probinsya na ang mundo ay uminog sa kanilang munting bukirin. Naging katuwaan ang maglaro ng lupa, maligo sa ulan, at sumakay sa kalabaw. Ang dating musmos ay isa na ngayong propesyonal na nagsisikap at nangangarap bilang isang huwarang kabataang haligi ng sektor ng agrikultura sa hinaharap.

“Mama, it’s payback time na!”

Ito ang binitiwang pangako ni Reymark dela Pasion, anak ng mag-asawang magkakalabaw sa Bongabon, Nueva Ecija na sina Michael at Rhea dela Pasion.

Panganay sa apat na magkakapatid, si Reymark ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Agriculture, major in Animal Science sa Central Luzon State University (CLSU) noong July 19, 2024. Buong puso niyang ipinagmamalaki na siya ay anak ng carapreneur at nakapagtapos dahil sa gatas ng kalabaw.

Bago makamit ang inaasamasam na diploma, ang pamilya ni Reymark ay dumaan sa isang mahirap nguni’t makabuluhang paglalakbay sa pagkakalabaw.

Sa pagsasaka ng mais at sibuyas nabuhay ang kanyang pamilya nguni’t madalas ay wala silang naiipong kita hanggang sa maipakilala sa kanila ang Carabao Development Program noong 2018. Dahil sa nakitaan ng kanyang ama ng potensyal ang pagkakalabaw bilang isang sustainable livelihood, pinagsikapan nilang mag-asawa na magsanay sa pag-aalaga ng mga kalabaw. Sa katunayan, nagsilbing chairperson ng kanilang kooperatiba ang kanyang ama.

“Kung wala ang mga gatasang kalabaw, hindi makakapagaral ang mga anak namin. Napakalaking tulong po talaga ang biyayang hatid ng gatasang kalabaw,” ani Michael.

Sa paglipas ng panahon, nakamit nila ang matagal nilang pangarap—ang magkaroon ng bastanteng kita. Unti-unti na ring naramdaman ni Reymark at ng kanyang mga kapatid ang maginhawang buhay.

“Nakikita ko ang aking ina na bumibili ng mga bagong gamit sa bahay tulad ng TV, refrigerator, at nagpa-connect ng internet para mapadali ang pag-aaral namin. Napuno ng mga appliances ang loob ng aming bahay. Nguni’t ang pinakamalaking achievement namin na natupad dahil sa gatasang kalabaw ay ang house renovation,” ani Reymark.

Wala talagang plano si Reymark na magtuloy sa kolehiyo pagkatapos ng kanyang senior highschool. Aniya ay sapat na sa kanya ang kanyang natapos nguni’t iminungkahi ng kanyang ina ang pagkuha ng kursong Animal Science sa CLSU.

“Aaminin ko na noon, ginagawa kong rason ang pag-aaral para makatakas sa mga trabaho sa bukid. Nguni’t noong nag-college ako, nakita kong maganda pala ang agrikultura na hindi ko noon nakita. Mother knows best pa rin talaga!” nakangiting saad niya.

Sinabi rin niyang hindi siya nahirapan sa kanyang kurso dahil unang naging guro niya ang kanyang ama sa pag-aalaga ng hayop.

“Dahil sa mga trainings ni papa, naituturo niya sa akin ang mga technique sa pag-aalaga. Kapag mayroon akong hindi naintindihan sa mga practical activities namin, sa kanya agad ako nagpapatulong,” ani Reymark.

Dagdag pa niya, nakatulong ng malaki ang mga gawain niya sa kanilang farm para maging matagumpay ang kanyang pagaaral sa kolehiyo.

“Minsan, tinanong ako ng aking guro kung ipagpapatuloy ko ba ang legasiya ng aking ama sa pagkakalabawan, ang sagot ko ay hindi—hindi ko lang ipagpapatuloy dahil mas idedevelop ko pa,” nakangiting pagkukwento niya.

Sa ngayon, si Reymark ay nagtatrabaho sa isang pribadong kompanya sa Pangasinan bilang farm supervisor.

Bilang isang anak, proud siya sa kanyang mga magulang dahil sa kanilang pagsusumikap sa pagkakalabaw na nagbigay sa kanya ng oportunidad na makapag-aral at makamit ang kanyang mga pangarap.

“Sabi ni Reymark sa’min, payback time na raw at siya naman daw ang tutulong para masustentuhan ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid,” proud na sabi ng kanyang amang si Michael.                                          

Author

0 Response