Higit sa pagbubukid

 

Kung tatanungin ang mga magsasaka sa Cebu kung ano ang kalabaw, maaari na ang maririnig na sagot ay isa itong hayop na masipag at todo-kayod sa bukirin. Nguni’t para kay Daleng, gusto niyang magbago ang ganitong kaisipan ng mga Cebuano pagdating sa iba pang kayang ibigay ng kalabaw sa kanilang pamumuhay.

Nang maupo bilang Chief Executive Officer (CEO) ng First Consolidated Cooperative Along Tañon Seaboards (FCCT) noong 2020 si Magdaleno T. Bargamento o kilala bilang Sir Daleng, naging interesado siya sa pagkakalabaw. Bukod sa mga serbisyong savings, credit at microfinance ng FCCT. isa ang dairying sa mga negosyo ng koop. Pero hindi naging madali ang tinahak ng FCCT upang marating nila ang tagumpay sa dairying.

Oportunidad sa likod ng sakuna

Nagsimula ang FCCT bilang isang consolidating koop ng Atlas Consolidated Mining Development Corporation (ACMDC) at Don Andres Soriano Credit Cooperative, Inc. (DASCCI) noong 1999 na may programang microfinance at 30 miyembro. Noong 2003, sumapi naman ang Asturias Peoples Multipurpose Cooperative (APMPC) na nagpalawak sa saklaw ng operasyon ng FCCT mula Sibulan hanggang Escalante City sa Negros at mula Santander hanggang Daan Bantayan sa Cebu, kasama ang Bantayan Island.

Sumabak sa carapreneurship ang FCCT noong panahon ng pandemya, nguni’t tatlong beses na nakatanggap ng rejection sa kahilingang makakuha ng mga kalabaw mula sa DA-PCC. Lumipas ang ilang buwan, matapos matugunan ang lahat ng requirements, ay ipinagkaloob din ng DA-PCC sa Ubay Stock Farm (DA-PCC sa USF) ang 20 na kalabaw noong Pebrero 2022.

"Nang na-evaluate ng DA-PCC sa USF ang performance ng FCCT, that was the time that they realized that we are worthy to receive the carabaos,” wika niya. Buhat noon ay nagsikap na ang FCCT na ialok na sa mga magsasaka sa Cebu at sa mga karatig-lugar sa Visayas na pagkakitaan ang kalabaw.

Pakikibaka sa kalabaw

Hindi naging biro ang tinahak nila upang makamit ang sustainability sa dairying lalo na’t nagsimula sila noong panahon ng pandemya. “Noong nakakuha kami ng kalabaw, ‘yong mga staff namin ang nangongolekta ng gatas sa mga farmers since limited ang movement noong pandemic at saka pinoproseso namin ito for distribution sa mga schools,” aniya. Nakatulong din ang pagkacluster ng mga ibinabahaging kalabaw na nagpadali sa monitoring at visitation ng koop sa mga maggagatas. Kinalaunan, unti-unti ring lumawak ang negosyong gatasan ng koop na nag-udyok sa pagtatayo ng Dairy Box sa Tuburan City sa Cebu.

Naging balakid din ng koop na pangaralan ang mga magsasaka na hindi lang pambukid ang mga kalabaw. Wika niya, “When you say ang kalabaw ay pwedeng gatasan, wala ‘yan sa mindset ng farmer kasi ang mindset nila ang kalabaw ay isang working animal lang.” Dagdag pa niya, naging mahirap ang pagkumbinsi sa mga farmers, pero nagbago ang pananaw nila nang makarinig sila ng kwento ng mga successful dairy farmers. Nahikayat din silang mag-alaga ng kalabaw dahil nalaman na nila kung gaano kataas ang income sa paggagatas kumpara sa paggamit ng kalabaw bilang working animal.

Isa ring solusyon na naisip ng FCCT upang mas mahikayat ang mga magsasaka na mag-alaga ng kalabaw ay ang pagbibigay ng dagdag na serbisyo kasabay ang pag-aalaga ng kalabaw. “Bukod sa dairying, we have a strategy to complement with additional services gaya ng cacao, chicken and swine breeding, at paggawa ng Takakura fertilizer,” sabi niya. Paliwanag pa ni Daleng, “Kung andyan na yan sa farmer, mapagtatanto nila na hindi na nila kailangang lumabas at magtrabaho ng iba pang serbisyo upang madagdagan lang ang kita.” Naisip ding solusyon ng koop na magbigay ng pagsasanay, kasama ang DA-PCC, na turuan ang mga anak ng mga farmers sa carabao’s meat and milk processing para hindi lang pag-aalaga ang alam nila pati na rin ang paggawa ng iba’t ibang produkto mula rito.

Tulong sa masa

Ayon kay Daleng, malaki ang tulong ng dairying sa FCCT dahil dito tumaas ang bilang ng miyembro ng koop at dumami ang portfolio nila sa agribusiness. Naging tanyag na rin ang koop sa dami ng social investments nito sa pagkakaroon ng access funding sa online lending galing sa CARE Australia at CARE UK para sa mga magsasaka. “Before, we just provide credit and savings, now we also offer agribusiness services in Visayas,” pagmamalaki niya.

Taos-pusong nagpapasalamat din ang koop sa DA-PCC sa mga isinagawa nitong mga pagsasanay na naghikayat sa mga magsasaka sa Cebu na tangkilikin at ipagpatuloy ang pangangalaga ng kalabaw. Dahil din sa pag-endorso ng DA-PCC, nakilala sila bilang accredited koop ng Agricultural Training Institute (ATI), Technical Education And Skills Development Authority (TESDA), at Civil Society Organization (CSO) sa national level. Nitong taon, iniimbita namang maging member ang koop sa Agricultural and Fishery Council (AFC) dahil nadama ng ahensya ang dedikasyon ng koop na tulungan ang mga farmers sa kanilang pagsasaka, ayon kay Daleng.

Ngayon, may 18 na branches na ang koop, 15,190 miyembro at bilang ng total asset na PHP990 milyon at capital buildup na PHP140 milyon. Katuwang rin ng DA-PCC ang FCCT sa pagsusuplay ng gatas para sa feeding program sa mga isla ng Bohol, Cebu, at Negros

Tunay ngang hindi nakukuha sa pagsisikap ng isa ang tagumpay ng isang koop. Para kay Daleng, mahalaga ang kooperasyon ng bawa’t magsasaka, konsyumer, at iba pang koop sa dairy value chain upang hindi lang makilala ang kalabaw bilang lakas kundi isang maaasahang daluyan ng kita at hanapbuhay

Author

0 Response