Pangarap noon ni Tatay, adhikain ngayon ni bunso

 

Masipag. Matiyaga. Matulungin. Ganito inilarawan ni Michelle Jan Alonzo, 29, ang kanyang yumaong ama na si Anthony Alonzo, isang carapreneur na nangarap na dumami ang ginagatasang kalabaw at maging learning site ang kanilang farm. Ngayon, ang adhikain ni Michelle ay matupad ang pangarap ng kanyang ama sa kanilang kalabawan. Bunso sa tatlong magkakapatid, core memory ni Michelle ang laging pagsasama sa kanya ng kanyang ama sa bukid. Kahit nanggagaling pa sila noon sa Gapan, bitbit-bitbit ni Tatay Anthony si Michelle hanggang sa naging interesado siya sa pagkakalabawan at maging parte sa pagpapatakbo ng farm. "Naalala ko pa noon na nagsimula lang ako sa mga pagbisita sa ibang farm kasama ang aking ama. Noong mga panahong iyon, natutuwa na ako kapag may nakikita akong ginagatasan at pinapaliguan na kalabaw hanggang sa naging interesado ako sa kalabawan," kwento ni Michelle.

Pagsisikap

Nagtapos ng kursong BS Marketing Management si Michelle at minsa'y nangarap mangibang bansa. Sinundan niya ang kanyang kapatid sa ibang bansa para makahanap ng mas magandang oportunidad sa buhay nguni't bigo siyang makakuha ng trabaho: "Nag-doubt ako sa sarili ko na bakit hindi ako natatanggap? Ano ba ang will ni Lord sa akin? Itutuloy ko lang bang maghanap ng trabaho o kailangan ko nang mag-iba ng industriyang pag-a-applyan?" hinaing ni Michelle. Noon siya nagpasyang umuwi ng Pilipinas at tulungan muna ulit si Tatay Anthony sa bukid habang naghahanap ng trabaho. Nguni't isang pangyayari ang nagpatibay sa desisyon ni Michelle na ipagpatuloy na ang nasimulan ng ama. Na-diagnose si Tatay Anthony ng cancer noong 2022, kasabay ng pagkakatanggap sa kanya sa trabahong inaplayan sa Maynila. Naisip niya na gamitin ang natapos na kurso at magsikap na matutunan kung paano palalaguin ang farm. "Anak, sayang naman. Maganda na ito, malaki na. Ang kailangan mo na lang ay ituloy, pag-aralan, at palaguin pa," bilin ni Tatay Anthony. Wika pa niya, "Kung kaya ko pa nga anak na humaba pa 'yong buhay ko, ituturo ko pa sa'yo lahat, tuturuan pa sana kita." Simula noon, nagpursige si Michelle na pagyamanin ang bukid na naipasa sa kanya. Nakikita niya na mas mapapaganda pa niya ang farm at makakaganyak ng maraming bisita.

Layunin

Opisyal na hinawakan ni Michelle ang Antonio's Dairy Farm noong 2023. Kahit bata pa lamang at kakaunti ang karanasan sa pagtaguyod ng isang farm, pinatunayan ni Michelle na kaya niya itong palaguin dahil sa sipag at tiyaga, hindi lang dahil minana niya ito. Hindi rin nawala ang suporta na natatanggap niya mula sa kanyang mga kapatid at ina.

Kahit inamin niyang nahirapan siyang mag-adjust sa bago niyang responsibilidad, naging "worth it" naman, aniya, dahil nananatiling buhay ang mga pangarap ng kanyang ama.

Ngayon, mayroon ng 51 na kalabaw ang farm—50 dito ay gatasan at isa ang lalaki. Nagdadala rin sila ng gatas sa Milka Krem at sa mga karatig na coffee shops. Napalitan din ang pangalan ng farm sa Alonzo's Integrated Farm na kinabibilangan ng fishpond at taniman ng mangga. Naging BIR-registered at nagkaroon din ng mayor's permit ang farm.

Naisip din ni Michelle na gawing learning site ang farm para makapagsanay sila ng mga taong interesado sa pagkakalabawan sa Lupao. Wika niya, "Natatandaan ko noon, sinabi ng tatay ko na maghanap ako ng paraan kung paano maging isang training site ang farm. Dahil dito, nagpatayo kami ng training hall sa farm na para sa pagsasanay ng mga gustong pumasok sa pagkakalabawan."

Bilang manager/supervisor ng farm, naging mindset ni Michelle na may kita't kinabukasan ang farm hangga't nanganganak ang kalabaw. "Pag may tiyaga, may kalabaw. Pag may kalabaw, may kinabukasan," aniya.

"Kung sinimulan ng tatay ko na payabungin ang farm, ako naman na second generation na farmer ang magpapatuloy nito. Responsibilidad ko ngayon na makilala pa ang Alonzo's Integrated Farm bilang isang learning site para sa mga magsasaka," dagdag niya.

Pangarap din ni Michelle na magproseso ng gatas ng kalabaw at magtayo ng sariling coffee shop mula rito. Plano rin niyang gumawa ng sabon gawa sa carabao's milk na ibabahagi niya sa darating na Young Farmer's Challenge ng Department of Agriculture. Gusto niya ring magkatotoo ang pangarap ng kanyang ama na maging tourism spot ang farm. Wika niya, "Pinapangarap niya 'yon, and at the same time, isinasama niya ako sa pangarap na 'yon."

"Sinimulan ni tatay itong farm, at dito namin ipinapakita ang pagmamahal namin sa kanya. Nasaan man siya, gusto naming ipakita na inaalagaan namin ang nasimulan niya," ani Michelle. Dagdag pa niya, "Hindi lang nukukuha sa isang henerasyon ang success, at ang mga susunod na generation ang magdidikta kung magpapatuloy ang kinabukasan ng pagkakalabawan."

Madalang tayong makarinig ng isang anak na magpapatuloy sa mga yapak ng magulang. Pero saksi si Michelle sa pagsisikap ng kanyang ama na palaguin ang pagkakalabawan. Ginagawa niya ito ngayong motibasyon upang makamtan ang adhikain niyang pagyamanin ang minsang pangarap lang ng kanyang ama.

Author

0 Response