Sa tamang oportunidad, tiyak na may pag-unlad

 

Sa loob pa lamang ng ilang buwan na pakikilahok sa programa ng Philippine Carabao Center (PCC), napatunayan na ni Dominic Paclibar, isang negosyanteng magkakalabaw mula sa Sangat, M’lang, North Cotabato, ang maraming benepisyo at mahusay na potensyal ng mga gatasang kalabaw.

Nagsanay siya sa PCC ng “Farmer Livestock School on Dairy Buffalo Production (FLS-DBP)” upang higit pang matutunan ang kabuhayang salig sa gatasang kalabaw at mga teknolohiyang kalakip nito.

Ilan lamang sa mga pinagkukuhanan niya ng kita sa pagkakalabawan ay ang gatas, manure, at napier. Mula sa mga sariwang napier, mayroon din siyang produksyon ng “silage” na nagsisilbing pakain sa 26 na inaalagaang kalabaw (5-Italian, 20-crossbred, 1-bulugan).

Ang 25 gatasang kalabaw ay ipinagkatiwala ng PCC noong Mayo 17.

Ang kauna-unahang kita niya ay mula sa pagbebenta ng napier bilang planting materials at sariwang damo mula sa kanyang 11 ektaryang taniman. Ang napier ay ang pangunahing tanim na pinaglaanan niya ng kanyang lupain, saad niya. Inihanda na niya ang mga ito bilang preparasyon sa pagdating ng mga gatasang kalabaw.

“Hindi pa man ako kumikita sa gatas ng mga kalabaw noon dahil nagsisimula pa lamang ay naranasan ko na ang kumita mula sa mga pakain dito,” masaya niyang pagbabahagi.

“Expense against our gross income”, malinaw kay Ka Dominic ang pananaw niya sa pagnenegosyo at iyon ay ang magkaroon ng masaganang ani at kita. Kaya naman, kalakip nito ang kanyang pagsisigasig na mapaunlad ang kaalaman at maging aktibo sa pakikilahok sa programa ng PCC.

“Ang pinakamalaking pakinabang sa napier at silage ay natitiyak natin ang seguridad ng sapat at wastong pakain sa mga gatasang kalabaw dumating man ang panahon ng El Niño. Ang wastong nutrisyon ang susi sa pagiging produktibo ng ating mga inaalagaang kalabaw,” saad ni Ka Dominic.

Ang produksyon niya ng napier sa isang buwan ay umaabot sa 15 tonelada na naipagbibilli sa halagang 50 sentimos kada kilo. Mula rito ay mayroon siyang Php7,500 kada buwan.

“Maituturing ko na may magandang oportunidad na hatid ang aking kabuhayan sapagka’t nakatuon ako na palaguin ang aming negosyo sa pamamagitan ng custom feeding,” paliwanag ni Ka Dominic.

Mayroong 25 bulugang kalabaw na ipagkakatiwalang muli ng PCC sa ikalawang linggo ng Nobyembre sa mga pribadong indibidwal, kung saan ang farm si Ka Dominic ang nakasundong magsuplay ng silage at iba pang pakain. Kabilang rin siya sa mga nakatakdang magsuplay ng gatas para sa Milk Feeding Program sa North Cotabato.

Maliban dito, nakatakda rin nilang palaguin ng kanyang may-bahay na si Ma. Elisa ang pagnenegosyong buhat naman sa paggagatas ng mga kalabaw. Sinisimulan nila ito sa pagpoproseso ng mga milk-based products. Nasasabik na rin sila na ilabas sa merkado ang mga minatamis na mayroong gatas ng kalabaw at sariwang prutas na ipinagmamalaki ng Cotabato.

Sa kasalukuyan, isinasa-ayos nila ang permit mula sa Department of Trade and Industry (DTI) kasabay ang pagtatayo ng dairy outlet sa kanilang lugar.

 

Author

0 Response