Para sa tagumpay ng negosyanteng Pinay, Kaway!

 

Sabi nila, ang babaing negosyante ay buhos ang kakayahan at pagsisikap para lang mapalago ang isang kabuhayan.

Sa industriya ng paggagatasan, maraming negosyanteng babae na ang gumawa ng pangalan at nagpamalas ng galing. Halimbawa na lamang ay ang Progreso Women and Workers Multipurpose Cooperative (PROWWMPC) sa Progreso, Alicia, Bohol at ang babaing negosyante sa likod ng tanyag na ‘Susie’s Cuisine’ sa Angeles, Pampanga.

Naitatag noong 2006 ang Progreso Women and Workers Association (PROWWA) sa pangunguna at suporta ng provincial local government unit ng Bohol. Nagsimula sila sa 40 miyembro kung saan apat lamang ang mga lalake kung kaya’t pinangalanan itong “women and workers association”.

Ito ay nabigyan ng ayudang Php100,000 ng Bohol Poverty Reduction Management Office (BPRMO). Ginamit ng grupo ang pondo para sa negosyong pagpapautang kung saan Php2,000 ang pinakamalaking halagang pwede nilang ipahiram. Maliban sa negosyong pagpapautang, nagsimula rin itong magpatayo ng sari-sari store. Taong 2010 naman nang maging Progreso Women and Workers Multipurpose Cooperative (PROWWMPC) ang pangalan nito.

Noong 2013, nagsagawa ng orientation sa grupo ang isa sa mga empleyado ng Philippine Carabao Center sa Ubay Stock Farm (PCC-USF) tungkol sa programa ng paggagatasan. Sa tulong ng PCC-USF, ang grupo ay nakakuha rin ng suporta mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) noong 2014 para sa bakery business at sa taon ding ito nagsimula ang kanilang catering services.

Maliban sa pagbebenta ng naprosesong gatas, ang kooperatiba ay nagpoproseso rin ng choco milk, choco milkbar, at iba pang mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw. Isa sa mga bestsellers nito ay ang “milkybread” kung saan hinahalo ang gatas sa harina imbis na tubig at pinoproseso sa sampung iba’t ibang klase ng tinapay.

“Kasabay ng pagiging babaing negosyante ang paggawa ng desisyon at pagharap sa mga posibleng pagsubok na dumating, at kapag nasosolusyunan namin ‘yong problema ay mas tumataas ang tiwala namin sa sarili namin,” kwento ni Merlinda Quinlog, manager ng PROWWMPC.

Sa kasalukuyan, mayroong 15 babaing miyembro ang grupo na direktang kabilang sa programa ng paggagatasan partikular na sa aspeto ng produksyon ng gatas, pagpoproseso, at pagbebenta.

 “Ang negosyong ito ay talagang nakatutulong sa aming mga kababaihan na ipakita ang aming mga natatagong kakayahan at hindi lang basta magkulong sa apat na sulok ng aming tahanan. Nakatutuwa nga dahil may mga bagay kaming nadidiskubre na kaya pala naming gawin at gampanan katulad ng sales talking at ‘yong sinasabi nilang working under pressure,” paglalahad ni Quinlog.

Nagsimula ang kwento ng isang pagiging negosyanteng babae ni Susie Ayson-Yabut nang tuluyang ipamahala sa kanya ng kanyang ina na si Anicia “Lola Aning” Ayson ang kanilang kabuhayan.

Dahil na rin sa nakalakhan niyang pamilya na may hilig talaga sa pagluluto, naging susi ito upang lalo niyang mahasa ang kanyang talento sa pagluluto at maging daan upang mapaunlad ang ngayo’y kinikilalang pinakamasarap na gumagawa ng kakaning Pampango, ang Susie’s Cuisine.

Sa edad na 49, napatunayan na rin ni Susie na ang pagsisikap, pagiging malikhain at matiyaga ay mahahalagang sangkap upang mapaunlad ang isang kabuhayan at marating ang mga mithiin.

Bagama’t malayo na ang narating na tagumpay ni Susie sa tulong ng kanyang kabiyak na si Glenn sa larangan ng pagnenegosyo, palagi pa rin nilang pinasasalamatan ang mga taong naging parte ng kanilang tagumpay, higit lalo kay Lola Aning.

Lingid sa kaalaman ng iba, si Susie ay isang Amerasian na inaring tunay na anak ni Lola Aning. Ito ay isa sa mga naging pangunahing dahilan ng kanyang pagpupursige na magampanang mabuti ang pamamahala ng kanilang kabuhayan.

“Nandoon ‘yong pagnanais mo na maipakita at maipagmalaki ka ng kumupkop sa’yo at siyempre ng kapamilya mo. Bilang isang anak, naniniwala ako na mayroon akong responsibilidad na ibalik ang lahat ng kabutihang ipinaramdam ng pamilyang kumupkop at nag-alaga sa akin,” saad ni Susie.

Isa sa nakapagpapa-angat sa timpla at lasa ng kanilang produkto ay ang kakaibang sangkap na ginagamit sa pagluluto nito. Sa nakaraang 44 na taon, ang paggamit ng gatas ng kalabaw sa kanilang mga produkto ang nagsilbing bentahe ng Susie’s Cuisine upang magustuhan ng mga Kapampangan ang kanilang mga produktong native na kakanin.

“Nang mailipat sa amin ang pamamahala ng Susie’s Cuisine ay nagsimula na kaming magdagdag pa ng ibang produkto tulad ng mga pasta, iba pang lutong kakanin at tapsilog. Ngunit sa kabila nito, pinanatili namin ang orihinal na paraan ng pagluluto ng tibok-tibok at ng ibang kakanin dahil doon kami nakilala,” dagdag niya.

Ang kanilang mga kostumer ay maraming produktong mapagpipilian sa kanilang mga sangay na sa kasalukuyan ay nasa 17 na ang bilang.

Ayon sa kanya, bukod sa pamanang kabuhayan sa kanila ni Lola Aning, nakangiti niyang ibinahagi ang hinding-hindi niya malilimutang pinakamagandang leksyon na ibinahagi sa kanya nito sa pamamahala ng negosyo.

“Palaging sinasabi ni Nanay noon na hindi baleng ikaw ‘yong maloko, wag lang ikaw ‘yong manloko. Iyon ang lagi niyang ipinaaalala at ang panatilihin namin ang kalidad ng produkto,” saad niya.

Ayon pa sa kanya, importante na maalam ka sa negosyong papasukin mo.

“Unang-una, kailangang pag-aralan mo ang papasukin mong negosyo kasi may iba d’yan na nakadepende lang sa galing ng mga tauhan nila. Kapag umalis sila, paano ka na? Kailangan na ang pagsasanay ng trabahador mo ay sa’yo mismo manggaling at kung ano man ang gusto mo na mangyari, iyon ang masusunod at hindi nakadepende sa kanila. Ang mga trabahador kasi hindi maiiwasan na umalis, kaya kung ikaw mismo ang nakakaalam ng produkto mo, makakapagsanay ka uli ng bagong kapalit nila,” aniya.

“Sa mga tulad kong babaing negosyante, nakikita ko ang mga katangian namin na angat sa mga kalalakihan. Kabilang na dito ang pagiging flexible natin sa ating mga trabaho, mas maunawain at mapagpatawad pagdating sa ating mga tauhan. Siguro dahil na rin sa likas na pagiging ina natin. Mas mahaba rin ang oras na kaya nating ilaan sa pagtatrabaho at nagagawa nating ibalanse ang buhay pamilya at trabaho,” dagdag pa niya.

Sa ngayon, may kabuuang 200 empleyado sa iba’t-ibang sangay ang Susie’s Cuisine. Hindi rin matatawaran ang mga parangal na kanya nang natanggap dahil sa kanilang pagsisikap. Kabilang na nga roon ang kamakailan lang na pagtatanghal sa kanya bilang “Kakanin Queen” sa buong Pilipinas.

 

Author
Author
Author

0 Response