Makabuluhang 'Lakbay-Buhay' sa Calaboo Creamerry

 

When you dream for your country, it can’t be small.

Ang pangungusap na ito, mula kay Antonio “Tito Tony” Meloto, tagapagtatag ng Gawad Kalinga (GK), ay nakatatak at patuloy na nagiging saligang-inspirasyon kay Marie Cavosara, isang Pilipinong balikbayan na isa sa mga bumuo ng isang masiglang gawaing panlipunan na Calaboo Creamerry.

Ang katumbas nito’y “Kapag nangarap ka para sa iyong bansa, ito’y di-dapat na maliit lamang.”

Batay nga sa saligang-inspirasyong ito, isinasakatotohanan ng Calaboo Cremerry ang layuning tumulong sa pagpapa-angat ng kalidad ng buhay ng mga kapwa-Pilipino ni Cavosora at ka-tapagtatag na sina Jennifer Viloria at Titos Ortega. Si Cavosora ang punong tagapagpaganap, si Viloria ang chief financial officer, at si Ortega bilang, chief technology officer, ng proyektong kanilang itinindig.

Masigasig ang pagtataguyod ng Calaboo Creamerry, na kabilang sa GK Enchanted Farm, sa Angat, Bulacan. Lundo ng pagsisigasig nito ang pagtulong sa pagpapaunlad ng industriya ng gatas ng kalabaw sa bansa. At, kaugnay nito, sa pakikipagbalikatan sa Philippine Carabao Center (PCC), namamaibabaw sa mga hakbangin ang pagtulong sa pagbibigay ng magandang kalusugan at mahusay na kalagayan para sa mga indibiduwal at maaasahang magandang hanapbuhay at kalagayan para sa mga magsasakang-maggagatas.

“Hindi ko na inaasahang bumalik sa bansa para mamalagi rito,” ani Cavosora, na may dual citizenship at magandang gawain sa larangan ng marketing at advertising sa isang multi-national na kompanya sa ibang bansa. “Nakilala ko si Tito Tony sa una kong pagbisita sa GK Enchanted Farm noong Setyemebre 2014 at dahil sa mga narinig at nakita kong gawain niya at proyekto ay nabago ang aking direksyon sa buhay,” dagdag niya.

Ipinagtapat niya na ang limang oras na paglillibot upang makilala ang grupo ay naging daan para sa dalawang taong paninirahan sa bansa at tuluyan nang pagiging bahagi ng grupo bilang social entrepreneur.

“Dahil kay Tito Tony, mas higit kong minahal ang aking bansa. Natatak sa akin ang lagi niyang binibigkas na prinsipyong “The highest competence is to love. When you dream for your country, it can’t be small,”ani Cavosora.

Noong Nobyembre 11, 2016, itinatag niya, kasama nang iba pa, ang “Calaboo Creamerry”. Ang namamaibabaw na hangaring ibinunsod niya para sa kremerya ay itanyag ang kagalingan, kaibhan at pagiging world class na lasa ng mga lokal na produktong gawa sa gatas ng “grass-fed carabaos” sa lokal na merkado kumpara sa mga foreign brands na nabibili rito.

Kasudlong ng hangaring ito’y ang layunin na hindi lamang ang mamimili ang makinabang sa mga produkto ng proyekto kundi pati na rin ang mga pangunahing prodyuser at mga pamilya ng magsasakang-maggagatas sa pamamagitan ng social public-private partnerships.

Ayon pa sa kanya, karapatan ng bawa’t Pilipino na umunlad ang pamumuhay at matayog na hangarin ng Calaboo Creamerry na makatulong sa pag-aangat sa kahirapan ng maraming Pilipino.

“Bagama’t maunlad na ang ating ekonomiya, napag-iiwanan pa rin ang ating mga magsasaka. Sa paggagatasan, bagama’t umangat sa 27% ang produksyon, karamihan sa mga prodyuser na magsasaka ay hindi naman gaanong nakikinabang sa ekonomiya,” aniya.

Idinagdag niya na ang kawalan ng tiyak na merkado para sa aning gatas ng mga magsasakang-maggagatas ay isang limitasyon para mapakinabangan nila ang buong potensyal ng mga gatasang kalabaw para pagkakakitaan ng malaki.

Pagbabago ng pananaw

“Naririyang hindi matatawaran ang malaking papel na ginagampanan ng PCC sa pagtuturo ng kasanayan sa ating mga magsasakang-maggatas, pagbibigay ng teknikal na suporta at pagpapahiram ng mga kalabaw sa kanila,”ani Cavosora.

Dagdag pa rito, anya, ay ang tuluy-tuloy na pag-akit ng mga kaagapay na ahensya at pribadong sektor para sa lalo pang pagpapabuti ng programa ukol sa gatasang kalabaw. Dahil din sa PCC, sabi pa niya, ay naseseguro ang kahusayan ng kalidad ng gatas na mula sa mga kalabaw na pinakakain ng masusustansyang damo tulad ng napier, mga legumbre at karagdagan pang masusustansiyang pagkain.

“Pero may kakulangan sa panig ng ating mga magsasakang-maggagatas. Ito’y ang ukol sa tinatawag nating “poverty of the mind” – ang ukol sa ganap na pag-unawa sa tunay na halaga ng gatas ng kalabaw para sa kanila,” ani Cavosora. “Kaya’t dito namin itinuon ang aming pansin, ang paggawa ng mga de-kalidad na produkto mula sa gatas ng kalabaw dahil karapat-dapat itong makilala sa ganoong paraan,” dagdag niya.

Ang taglay na mga produktong ito ay may tagline para sa merkado na “Taste the love, naturally”. Kinakatawan nito ang pagmamahal sa sariling likha, na ginawa sa simpleng proseso lamang nguni’’t mapangkalusugan,  nagpapahiwatig ng pagmamahal para sa komunidad na sinusuportahan para umunlad, at gayundin pagmamahal para sa bansa dahil ‘gusto nating itaguyod ang kahusayan ng mga Pilipino sa ganitong larangan at iba pa”.

Sa pagkikipagtulungan sa PCC ay kanilang ginagawa ang mga linya ng naiibang produktong probiotic-rich yogurts at butter, fresh cheeses at milk beverages na ginagamitan ng coco sugar.

Ang mga produktong ito ay nakilala sa kanilang katawagang naiiba sa pandinig. Isa sa mga ito ay ang Boo la la Booter na isang uri ng butter na gawang European style. Ito ay gawa sa fresh carabao cream, live cultures at asin. Maaari itong tumagal ng isang buwan sa refrigerator at mapaabot pa nang hanggang anim na buwan kung frozen.

Ang kanilang yogurt naman ay tinatawag na Yogi Boo, na may naturally low fat na produkto na mababa ang glycemic index. Ito’y may dalawang uri, isang unsweetened o plain na yogurt na mas kilala sa tawag na Yogi Boo Perfectly Plain at Yogi Boo na Coco Sweet na hinaluan ng coco sugar at mainam para sa mga diabetic. Ang mga ito ay may tatlong sangkap na kumbinasyon ng low-fat at full fat na gatas ng kalabaw, live cultures at mango-based pectin.

Ang Keso Cariño Baby Boo naman, na isa rin sa kanilang produkto,  ay isang uri ng fresh cheese na light at melty ang pagkakagawa at hinugis nang maliliit na bilog na tulad ng bocconcini na gawa sa gatas ng kalabaw, suka, asin at rennet.

Tinatawag namang MilkaBoo ang milk drink na may flavor na regular o mint na pinatamis ng coco sugar.

“Ang bawa’t sangkap na ginagamit ay aming maingat na pinili para sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga mamimili,” ani Cavosora. “Lumilikha na ng sariling merkado ang mga produkto na ang mga tumatangkilik ay mga taong mas binibigyang halaga ang kalidad at kagalingan ng isang produkto,” ani Cavosora.

Ang mga produktong nabanggit, dagdag niya, ay mabibili sa pamamagitan ng order basis sa kanilang website na calaboo.com at calaboo.marketa.ph. May itinakdang kaukulang minimum na bulto ng ino-order na mga produkto.

“Tinitiyak namin na sa  bawa’t pagbili ng aming likhang produkto ay nakapagdadala ito ng tulong sa pamilya ng mga kalahok na magsasakang- maggagatas,“ani Cavosora.

Sa ganang kanyang sarili, ipinahayag ni  Cavosora  na ang pagkakatatag ng Calaboo ay sumasalamin sa kahulugan ng kanyang layunin sa buhay.

“Sabi nga sa GK Enchanted Farm manifesto, ‘Hindi nagkamali ang Diyos na gawin kang isang Pilipino”.

Idinagdag niya na sa pagkakatatag at pangunguna niya sa Calaboo ay isa niyang makabuluhang paglalakbay sa buhay sa bayang pinagmulan.

“Masasabi ko na ako ay nakauwi na sa tunay kong tahanan – sa tahanan ko ngayong may naiaambag na tulong sa mga magsasakang-maggagatas, sa komunidad at sa ating bayan,” aniya pa. 

 

Author

0 Response