Mga estratehiya sa pagpaparami ng gatasang kalabaw saan mang sulok ng Pilipinas

 

Espesyal ang kalabaw para sa maraming magsasaka sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Lalo na ngayon na damang-dama ang dagdag na malaking pakinabang sa mga kalabaw na may lahing gatasan.

Kaya naman, patuloy ang pagsisikap ng Philippine Carabao Center (PCC) na tulungan pa ang mga magsasaka na paramihin ang mga gatasang kalabaw at pagandahin pang lalo ang lahi ng mga ito sa pamamagitan ng Genetic Improvement Program.

Sa ilalim ng programang ito, inaasistehan ng PCC, sa tulong na rin ng mga Village-based Artificial Insemination Technicians (VBAITs) at LGU technicians ang mga magsasaka sa pamamagitan ng iba’t ibang estratehiya na kinabibilangan ng artificial Insemination (AI), natural o nasaksakan ng gamot na pampalandi; fixed-time AI (FTAI); enhanced AI; at ng bull loan.

Sa pag-aaral na isinagawa ng Reproduction and Physiology Section (RPS) ng PCC, sa pangunguna nina Dr. Eufrocina “Bing” Atabay at Dr. Edwin Atabay, parehong Scientist I, nakita nila kung anong protokol ang nababagay na isagawa sa iba’t ibang lugar at mga umiiral na kondisyon.

“Nakita namin na ang FTAI ay mas nababagay sa mga organisadong grupo kagaya ng institutional herds, multiplier farms at mga kooperatiba dahil strikto ang time requirement dito. Ang orihinal na AI at enhanced AI naman ay pwede sa mga indibidwal na magkakalabaw at magkakalayong lugar na pwedeng puntahan ng mga AI technicians,”paliwanag ni Dr. Bing.

Ang Bull Loan Program o pagpapahiram ng de-kalidad na bulugan naman ay angkop na ilunsad  sa mga lugar na walang VBAITs o LGU technicians at malalayo sa regional centers ng PCC dahil mahirap itong puntahan ng mga AI technicians, sabi ng siyentista.

Artificial Insemination

Ang AI ang pinakamadalas na ginagamit na breeding technique sa Pilipinas para mapabilis ang pagdami ng bulo galing sa magagandang bulugan, ayon kay Dr. Edwin Atabay, coordinator sa AI at Bull Loan program ng PCC.

Ito din ang pinakaunang teknolohiya para sa pagpapalahi na ginagamit para sa Carabao Upgrading Program ng PCC, ayon kay Dr. Bing. Sa pamamagitan ng AI, nama-maximize ang paggamit sa semilya ng bulugang may magagandang katangian,” paliwanag ni Dr. Edwin.

Sa AI, ang naprosesong semilya ng magandang lahing bulugan ay inilalagay sa pamamagitan ng angkop na instrumento sa reproductive tract ng babaeng kalabaw kapag ito ay nagpapakita na ng senyales ng paglalandi, dagdag niya.

Gayunman, maraming bagay ang nakaaapekto sa bisa ng AI sa kalabaw.

“Karaniwang natural na estrus lang o paglalandi ang basehan para ma-AI ang isang kalabaw. Nguni’t sa kabila ng mataas na success rate kapag natural na estrus ang basehan, mahirap ma-detect ang paglalandi ng kalabaw. Karaniwan kasi, gabi ang paglalandi. Tuwing tag-init naman, kakaunti ang nede-detect,” paliwanag nina Dr. Edwin at Dr. Bing.

Para sa mas malawakang serbisyo ng AI, dagdag niya, ginagamit ng PCC ang pamamaraang estrus synchronization  (ES) na kung saan sasaksakan ng hormone [prostaglandin] ang mga kalabaw na hindi buntis at may corpus luteum na nasa isang lugar para halos sabay-sabay maglandi ang mga ito at sabay-sabay na maserbisyuhan ng AI.

Ang mga AI technicians na maaaring magsagawa ng ES ay kailangang nakapagtapos ng “Advance Training on Ovarian Palpation” para alam ang tama nilang gawin, ayon kay Dr. Edwin.

“Mabagal pa rin noong una ang pagsasagawa ng ganitong programa dahil sa mga proseso na kailangang pagdaanan ng mga magpapa-AI at sa kakulangan ng AI technicians. Kaya inilunsad ang programa sa pagsasanay sa mga VBAITs noong 2005, paliwanag ni Dr. Edwin.

Ang mga kinukuhang VBAITs ay mga out-of-school youth na naglalagi sa kanilang mga lugar.

“Ang konsepto nito ay sila [mga VBAITs], ang magdadala ng serbisyo ng AI sa mga inaalagaang kalabaw ng magsasaka sa kanilang lugar at ang gagawin na lang ng PCC ay suportahan sila ng mga gamit para sa gawaing ito,” sabi niya.

Tumaas naman ang bilang ng naseserbisyuhan dahil sa mga VBAIT. Sa 68,318 kalabaw na naserbisyuhan ng AI sa buong bansa, 38,733 (57%) ang naserbisyuhan ng mga VBAIT, ayon sa record ng Operations Unit ng PCC.

Gayunman, hindi pa rin ito naging sapat para ganap na maging mabisa ang AI sa dahilang marami ring limitasyon ang AI kapag ito ay isinagawa sa kalabaw.

“Nalilimitahan ang AI dahil sa breeding seasonality at dahil silent heater ang kalabaw,” paliwanag ni Dr. Edwin.

Karagdagang breeding techniques

Kaya naman, pinag-aralan at napagtagumpayan ang isang alternatibong pamamaraan na hindi kailangang magsagawa pa ng mahirap na pagmamanman kung naglalandi na ang kalabaw. Ito ay sa pamamaraang “Fixed time AI (FTAI) at Enhanced AI” na binuo ng RPS ng PCC.

Sa FTAI, hindi na kailangan ang heat detection.  Sa teknolohiyang ito, kinokontrol ang panahon ng paglabas ng ovum [egg] mula sa follicle.

Ang follicle ay ang sac na naglalaman ng immature na ovum hanggang ito ito ay maging mature at handa nang lumabas para sa fertilization ng semilya.

“Mas mataas ang pregnancy rate ng kalabaw sa FTAI dahil sinisigurado sa pamamamaraang ito na mangyayari ang ovulation sa partikular na time duration at nakatakda rin ang oras (fixed time) ng pagsasagawa ng AI,” sabi ni Dr. Bing.

Maliban sa FTAI, pinag-aralan din ng mag-asawang Atabay ang Enhanced AI. Pareho ang tagal ng pagsasagawa nito sa orihinal na ES protocol, pero maliban sa hormone na prostaglandin (na ginagamit sa ES), sinasaksakan din ang mga kalabaw ng hormone na GnRH o kaya ay hCG (ovulatory hormones) sa mismong araw ng unang pag-AI.

Bull Loan

Maliban sa AI, isinasagawa rin ang “bull loan” sa mga lugar na malayo sa PCC regional centers. Sa programang ito ng PCC, ipinapahiram ang mga bulugan sa mga kuwalipikadong magsasaka.

Ang programang ito ay patuloy na pinag-aaralan para mapaganda pang lalo ang implementasyon nang maging kapaki-pakinabang sa mga magsasaka.

“Nangangailangan ng mas maiging pagtututok at pag-oobserba sa mga bulugang kalabaw upang masiguro na talagang kaya na ng mga ito na makapagpabuntis ng babaeng kalabaw bago maibigay sa mga bull handler,” paliwanang ni Dr. Edwin.

Sa programang ito, higit na napararami ang mga kalabaw sa isang komunidad na may mahigit sa 20-25 babaeng kalabaw. Sa ngayon, nakikita rin itong isang epektibong katugunan sa problema ng karamihang magsasakang-magkakalabaw na hangad ding magkaroon sila ng mga gatasang kalabaw.

Katuwang ng programang ito ang AI Program sa pagkakamit ng lalo pang mataas na bilang ng produksiyon ng mga de-kalidad na bulo.

Isang matibay na halimbawa sa pagkakamit ng biyaya sa ilalim ng programang ito ay si Pedro Dimailig ng Carlosa, Calatagan, Batangas na gayon na lamang ang laki ng pasasalamat nang mapagkalooban siya ng purebred na bulugang kalabaw noong Hunyo 2009.  Mabilis na naparami ang mga kalabaw sa kanilang lugar dahil sa naipahiram sa kanyang bulugan. Umabot na sa 152 bulo ang naipanganak sa kanyang lugar sa pamamagitan ng ipinahiram sa kanyang bulugan.

Ayon sa kanyang tala, simula noong 2010 ay karaniwang nasa 80% ang napapabuntis ng ipinahiram na bulugan kada 150 babaeng kalabaw na sinasampahan sa isang taon.

Nakatatanggap si Tatay Pedro ng Php600 sa bawa’t babaeng kalabaw na nabubuntis ng kanyang bulugan. Ayon sa kanya: “Nakatutulong sa aking gastusin ang aking kita at natutulungan pa ang mga kapwa kong magsasaka na nangangailangan ng bulugan para sa kanilang mga naglalanding kalabaw.”

“Ang mas maganda pa sa programang ito, naisasalin sa amin ang pagmamay-ari sa bulugan kung nakapagpabuntis na ito ng 25 babaeng kalabaw,” paliwanag ni Tatay Pedro.

Hindi rin naman siya nahirapan na mag-request ng bulugan sa PCC. Ayon sa kanya, kinakailangan lang niya na sumulat sa PCC at ipahayag ang hangaring makahiram ng bulugan. Alam niya kasi na kuwalipikado siya sa ilalim ng programa dahil miyembro siya ng kooperatiba na may kinalaman sa pagkakalabawan, mayroong mahigit sa 25 ang babaeng kalabaw sa kanilang barangay, at mayroong mapagkukunan ng sapat na pakain para sa mga kalabaw.

Sa panig naman ng PCC, ganito ang sabi ni Dr. Edwin:

“Patuloy pa ang aming pagsisikap upang mas mapaganda ang mga programa sa pagpaparami ng gatasang kalabaw.”

 

Author
Author

0 Response