Angat-buhay bilang 'barefoot technician'

 

Sa patuloy na paglago ng industriya ng pagkakalabawan at paggagatasan, isang gawaing teknikal ang nakalaan na buong-puso namang pinapasok ng mga kabataan, kahit na mga kabataang hindi man lamang nakapagtapos ng higit na mataas na pinag-aralan sa paaralan.

At sila’y kumikita. Tulad nina Rolly Richard Salameda, 21; Lester Alagar, 21; at Jayson Dupalao, 22.

Ang gawain: Village-based Artificial Insemination Technician o VBAIT. Sa lengguahe na ikinakabit sa mga tulad nila sa iba’t ibang larangan sa agrikultura – sila’y tinatawag na mga “barefoot technicians”.  

Sa pagkakalabawan, sila yaong mga pribadong indibiduwal na sinanay ng Philippine Carabao Center (PCC) upang magsagawa ng pamamaraang artificial insemination (AI) sa pagpapataas ng lahi ng kalabaw upang maging mahusay na gatasan. Ang kanilang pangunahing dala at inililipat sa palalahiang kalabaw ay mga naprosesong semilya na mula sa piling bulugang kalabaw.

Pinasimulan noong 2006, ang pagsasanay sa mga VBAIT ay ang siyang naging tugon ng PCC upang lalong mapalawak ang programang AI sa buong bansa bilang alternatibo sa natural na pagpapabulog. Layunin nito na maihatid sa mga liblib na mga nayon ang serbisyo sa pagpapaganda ng lahi ng kalabaw. Isa kasi sa mga problema ng magsasaka na gustong magkaroon ng gatasang kalabaw o gawing gatasan ang kanilang native na kalabaw ay ang kakulangan ng bulugan.

Isang paraan ng PCC sa pagpaparami ng mga gatasang kalabaw ang artificial insemination o AI.

Upang maging kwalipikado sa pagsasanay, kinakailangang nakapagtapos ng sekondaryang edukasyon, may malakas na pangangatawan, may alagang kalabaw o baka, interesado at buo ang loob na magsagawa ng AI, tatanggapin ang responsibilidad ng pagiging isang VBAIT at kinakailangang inindorso ng komunidad o ng lokal na pamahalaan.

Ang mga sinanay na VBAIT ng PCC sa buong bansa ay pinagkakalooban ng kumpletong gamit sa pagsasagawa ng AI. Ang distribusyon ng suplay tulad ng AI sheath, gloves, tangke na may liquid nitrogen at frozen buffalo semen ay ipinamimigay kada linggo o base sa pangangailangan ng AI technician ayon sa kanyang isinumiteng talaan ng serbisyo.

May karampatang bayad na natatanggap ang teknisyan mula sa magsasaka sa bawa’t serbisyong naisagawa sa kanyang kalabaw. Ito’y mula sa halagang Php300 hanggang Php1,000. Bukod dito, may pagkakataon ding mabigyan ng insentibo ang teknisyan mula sa PCC sa bawa’t naipanganak na bulo sa kanyang pagseserbisyo.

Si Rolly Richard Salameda 

Si Rolly Richard Salameda, 22, ay naging isang VBAIT  sa murang edad na labing-anim na taong gulang. Nagmula sa isang simpleng pamilya  sa Barangay Lao, Ormoc, Leyte, siya ay pangatlo sa pitong magkakapatid.

Napukaw ang kanyang interes na maging isang teknisyan nang mahikayat ng PCC sa Visayas State University (PCC sa VSU) ang kanyang ama na si Rolando Salameda na magsanay bilang isang VBAIT noong Enero ng taong 2011. Katatapos lamang niya noon ng high school.

Habang aktibo sa pagiging teknisyan, nagawang isabay ni Richard ang pag-aaral ng one-year vocational course na Seafaring with specialization in Stewarding sa Ormoc City Institute of Technology at pagkaraan ng tatlong taon, ipinagpatuloy naman niya ang pag-aaral ng kolehiyo. Nguni’t sa hirap ng buhay,  nagsakripisyo siya para sa kapakanan ng pamilya. Tumigil siya sa pag-aaral at siya’y nagpokus sa pagiging VBAIT.

Ayon sa kanya, hindi madali ang maging isang VBAIT sa umpisa. Nguni’t sa taong pursigidong umangat ang buhay, pinatunayan niyang kaya niya itong isagawa.

“Sa katulad ko na nagsisimula pa lamang noon sa pagiging VBAIT, kailangan  munang kumbinsihin ‘yong mga tao dahil wala pa akong magandang record ng pagseserbisyo. Ipinaliliwanag ko pa sa kanila kung paano isinasagawa ang pag-a-AI sa hayop. Sinubukan muna namin ng aking ama ang pagseserbisyo sa aming barangay”, ani Rolly.

Umaabot lamang sa tatlong serbisyo ang nagagawa niya noon sa isang buwan dahil kadalasang sa bulugan  ipinabubuntis ng mga magsasaka ang kanilang kalabaw.

“Nguni’t nang nagtagal, nagsimula nang manganak ang mga naserbisyuhan naming mga kalabaw at noon nila nakita ang kainaman ng AI sa kanilang mga kalabaw. Naging daan iyon upang makilala kami sa pag-a-AI. Sa ngayon ay buong Ormoc na ang aming sineserbisyuhan,” dagdag niya. 

Hindi na nga naging mahirap para sa mag-ama ang magserbisyo ng AI dahil sa bawa’t dumarayo sa kanilang lugar upang tingnan ang “produkto” ng kanilang AI ay nahihikayat agad na magpaserbisyo ng kanilang mga kalabaw.

“Karaniwan nang nagiging  komentaryo na ‘Uy, ang ganda naman ng kalabaw mo’. At agad nilang itinatanong  kung anong lahi iyon at  ano’ng paraan ang ginawa. Siyempre bunga ng AI  na isinagawa namin, ang sagot nila,” saad niya.

Kanya-kanya silang lakad na mag-ama. Minsan siya  lang ang nagdadala ng serbisyo, minsan ang ama lang niya.

“Minsan magkasama kami pero mas prayoridad ni Tatay ang pagbubukid. Karaniwan ay dito na sa aming bakuran ginagawa ang pagseserbisyo dahil kusa nang dinadala ng mga magsasaka ang kanilang kalabaw na paseserbisyuhan,” dagdag pa niya.

Isang libo ang bayad sa bawa’t  kalabaw na kanilang naseserbisyuhan sa kundisyong dapat na makitang buntis na ang hayop. Nguni’t mayroong mga pagkakataon na kalahati muna ang ibinabayad nila at ang kalahati ay kapag nakapanganak na ang hayop. Kung minsan naman, nag-aabot na agad ng kaunting halaga kapag nagawa na ang pagpapasemilya at ang kabuuan ay iniaabot kapag siguradong buntis na ang kalabaw.

Binabalik-balikan nila ang mga nasemilyahang kalabaw para matiyak na buntis na ang mga ito.

Karaniwang kumikita si Rolly ng Php3,000  hanggang Php5,000 sa isang buwan. Bukod dito ay nakatatanggap siya ng insentibo mula sa PCC na Php100 kada kalabaw na naserbisyuhan. Ito’y sa pamamagitan ng pagsusumite ng talaan sa PCC sa VSU sa itinakdang araw kada buwan.  Bukod dito, karagdagang Php100 sa bawa’t bulo na maipapanganak ang natatanggap niyang insentibo. 

Sa sariling kita na niya nanggagaling ang kanyang mga pang-araw-araw na pangangailangan at pantulong sa gastusin nila sa kanilang tahanan. Nakapaglabas na rin siya ng sariling motor na siya niyang hinuhulugan buwan-buwan.

Mayroon ding mga pagkakataon na nagbibigay si Rolly ng ibang serbisyo bukod sa pag-a-AI. Ito ay ang pagpapaanak, pagpupurga at pagbibigay ng bitamina sa kalabaw at ito’y bunga na rin ng natutuhan niya sa pagsasanay na isinagawa ng PCC sa VSU. Bunsod nito, kumikita rin siya ng karagdagang Php1,000 sa bawa’t pagpapaanak kapag iba ang nag-AI at Php500 naman kung siya mismo ang nagpabuntis  sa hayop.

Para sa kanya, masaya na siya kapag nakikitang nagbubunga ang sipag at tiyaga niya sa pagbibigay ng serbisyong AI sa mga kalabaw ng magsasaka.

“Hanggang may naseserbisyuhan ako, nakikita ko na sulit ang ginagawa ko dahil masaya ang may-ari ng kalabaw. Kahit hindi sila magbayad agad, okay lang sa ‘kin. Ang mahalaga ay nakatulong ako sa mga magsasaka,” sabi ni Rolly.

Si Lester Alagar

Para naman sa tulad ni Lester Alagar na tubong Rosario, Batangas,  hindi lamang sa tulong pinansiyal sa sarili niya ang nakikita niyang  kahalagahan ng pagiging isang VBAIT. Napupuspos siya ng tuwa sa naiaambag niyang kabutihan sa

komunidad.

“Bukod sa napunan ko ang kakulangan ng teknisyan sa lugar namin, natutulungan ko rin na maiangat ang lahi ng mga kalabaw dito sa aming bayan. Kapag mas mataas na lahi, mas mataas din ang halaga ng kalabaw ng mga magsasaka,” pagmamalaking wika ni Lester.

Pangatlo sa pitong magkakapatid, si Lester ay isa sa kasalukuyang aktibong AI technician sa bayan ng Rosario. Ang bayan nila ay may dalawang teknisyan lamang.

Ayon sa kanya, may kakulangan ng teknisyan sa kanilang lugar. Ang kanyang ama ay aktibong miyembro ng Rosario Dairy Raisers Association (RODRA) at malaki ang pangangailangan ng asosasyon sa serbisyo ng AI kung kaya’t hindi naging mahirap para sa kanya na magpasyang magsanay bilang isang VBAIT.

“Nagsanay ako na maging isang AI technician dahil sa kagustuhan ko na rin. Labing-siyam na taong gulang lamang ako noon nang magsanay sa pag-a-AI sa PCC sa University of the Philippines-Los Baños (PCC sa UPLB). Buong Rosario ang sineserbisyuhan ko. Basta may interesadong magpa-AI ng kanilang hayop, pinupuntahan ko,” ani Lester.

Si Lester ay kasalukuyang nag-aaral sa Batangas State University at kumukuha ng kursong Information Technology, major in Computer Technology. Dahil sa pag-a-AI ay nagagawa niyang sustentuhan  ang kanyang pag-aaral.

Ang nagiging kita niya ay Php5,000 hanggang Php10,000 kada buwan sa pagseserbisyo ng AI.

“Self-supporting na ako sa pag-aaral ko. Inaabot ako kung minsan ng ika-10 ng gabi sa pagseserbisyo. Karaniwan kasi na pagkatapos ng klase saka ako nagseserbisyo,” ayon sa kanya.

Aniya, kapag may tumawag sa kanya sa umaga, tinatanong niya kung kailan huling naglandi ang kalabaw. Base kasi sa kanyang karanasan,  kapag mabilisan na binigyan ng AI ang isang kalabaw hindi agad nabubuntis ito kung kaya’y nagpapalipas pa siya ng ilang oras bago niya puntahan ang hayop o kaya naman sinasabi niya sa may-ari kung anong oras ang dapat na pagbibigay ng serbisyong AI.

“Kung hindi ako makapupunta, ipinapasa ko na lamang sa kapwa ko teknisyan ang pagseserbisyo”, dagdag niya.

Para sa kanya nagiging sulit ang ibinabayad sa kanya kapag nakikita niyang masaya ang may-ari habang tinitingnan ang bulo na naipanganak dahil sa pag-a-AI niya.

Kapag nagmimintis ang pagbubuntis, ginagawa niya ang kaukulang panghihikayat para tangkilikin pa rin ang AI.

Bilang ganti sa kabutihan ng AI sa kalabaw sa kanilang lugar at sa natatamo niyang biyaya mula rito ay nagbibigay siya ng libreng serbisyo sa kanilang kooperatiba.

Sa kasalukuyan ay inaayos ni Lester ang pagtatala ng mga naipanganak na bulo dahil sa kanyang pag-a-AI. Ang bawa’t bulo na naipanganak ay may katumbas na insentibong Php100 mula sa PCC sa UPLB.

Umabot na sa 35  bulo ang naging “produkto” ng pagseserbisyo niya ng AI mula noong 2016.

Si Jayson Dupalco

 Si Jayson Dupalco, na mula sa Barangay Paraiso, Mabini, Bohol, ay maituturing na  isa pang baguhan bilang VBAIT. Dahil sa interes na makatulong sa mga magsasaka sa kanilang lugar, kusang-loob siyang nagsanay ng AI sa panghihikayat na rin ng PCC sa Ubay Stock Farm (PCC sa USF).

Bago naging VBAIT ay namasukan siya bilang isang dairy technician noong 2013. Katatapos lamang niya ng sekondaryang edukasyon noon nang mahikayat siya na magsanay sa Proper Milking and Milk Handling Training.  Nang makatapos sa pagsasanay ay napasok siya sa Office of the Provincial Veterinary ng Bohol upang magsilbing dairy technician sa kanilang probinsya. 

Sa gawaing ito, siya ang naatasang mangolekta ng gatas sa iba’t ibang lugar. Nguni’t pagkaraan lamang ng isang taon ay nag-iba siya ng trabaho at lumipat sa Bacolod. Nito lamang nakaraang taon siya nagpasyang bumalik muli at naging isang VBAIT.

“Buong Mabini ang sineserbisyuhan ko, kasama ang tatlong iba pang teknisyan. Nagsasagawa muna ako ng libreng estrus synchronization sa mga kalabaw sa aming lugar at pagkatapos ay ibinibigay ko ang aking numero (ng cell phone) upang kontakin ako ng may-ari ng kalabaw. Pagkaraan ng tatlong araw ay  isinasagawa ko na ang AI”, ani Jayson.

 Tatlong daang piso ang bayad sa bawa’t serbisyong naisasagawa niya. Isinasagawa niya pagkalipas ng tatlong buwan ang pregnancy diagnosis sa naserbisyuhang hayop.

Hindi bumababa ang kita ni Jayson sa Php3,000 hanggang Php5,000 bawa’t buwan. May karagdagan pa itong Php500 kapag matagumpay na nakapanganak ang kalabaw na naserbisyuhan ng AI. Kalahati lamang ng halagang ito ang insentibo niya mula sa PCC sa USF kapag bigo na magkaroon ng bulo ang napagbuntis na kalabaw. 

Nagre-recruit din si Jayson ng iba para maging VBAIT. Nakatatanggap siya ng Php4,800 bilang training allowance sa kada trainee na panggastos niya sa pagbibigay ng hands-on training na tumatagal ng dalawang linggo.

Sa bawa’t naisusumite niyang report, siya’y nakatatanggap ng mga panibagong suplay na gamit para sa pag-a-AI.

Aniya, “Ang pagiging nakapokus sa pag-a-AI at ang pagiging masipag at matiyaga sa paghahanap ng kliyente ang siyang nakatulong sa akin upang mas makamit ko ang magandang benepisyo nito hindi lamang sa aking sarili kundi sa mga natutulungan kong mga may-ari ng kalabaw. Sa ganitong paraan, napakikinabangan ko ang aking natutunang kaalaman ukol sa paglalahi ng kalabaw na gamit ang AI.”

Mga patunay

Sina  Rolly, Lester, at Jayson ay may kanya-kanyang istorya sa kanilang pagiging VBAIT.

Di-maikakaila, sa pagiging VBAIT ay natatamo nila ang pagpapaangat ng sari-sariling buhay.

Silang tatlo ay mga patunay na hindi nalilimitahan sa taas ng pinag-aralan kundi sa pagnanais na mapaunlad ang sarili gamit ang natamong kaalaman upang mapabuti ang kalagayan sa buhay at makatulong sa pamayanan.

Kayo, gusto rin ninyong maging VBAIT? At bakit naman hindi?

 

Author

0 Response