Biyayang kaiga-igaya sa gatasang kalabaw na kakaiba

 

Takaw-pansin ang anumang kakaiba o bukod-tangi sa karaniwan lalo na kung ito’y nakapagdudulot ng ibayong pakinabang.

Ganito kung ilarawan ang kalabaw na maituturing ding  “true albino”. Ayon kay Dr. Ester Flores ng Animal Breeding and Genomics Section ng PCC at dalubhasa sa pagpapalahi ng kalabaw, kabaligtaran ng karaniwang itim na kalabaw ang albino sa puti nitong balahibo at mamula-mulang balat. Ang kakaibang katangian ng “true albino” ay sanhi ng albinism na isang recessive trait. Madali ring masilaw ang isang albino na siyang dahilan kung bakit mataas ang tiyansang magkaroon ito ng eye cancer. 

Nguni’t bukod sa isa itong “true albino”, ang kalabaw na ito’y may lahi ring gatasan na may kakayahang makapagbigay ng maraming gatas.

Ang magandang lahi ng isang “true albino” ay nananalaytay sa isang lalaking kalabaw na pinangalanang Albino Ever. Nagkaroon ito ng dalawang anak (sa pamamagitan ng artificial insemination) sa magkaibang Bulgarian na kalabaw. Ang mga anak nito ay kasalukuyang matatagpuan sa San Miguel, Bulacan.

Dalawang magsasaka sa katauhan nina Vicente Santos Jr. at Ryan delos Santos ang mapapalad na nag-aalaga at nagmamay-ari ng mga anak ni Albino Ever na maituturing na albino-carrier.

Si Ka Vicente, 46, mula sa bayan ng Magmarali, ay 22 taon nang nag-aalaga ng mga kalabaw na natutunan pa niya sa kanyang lola.

Nguni’t ang kakaibang kalabaw na nasa kanyang pangangalaga sa kasalukuyan ay maamo, mahaba ang buntot, mas malakas gumatas kumpara sa ibang gatasang kalabaw na kanyang inaalagaan, at may limang suso.

Umaani siya rito ng 11 kwatro kantos na bote o 4.5 litrong gatas sa kalakasan ng paggagatas at 1.5 litro naman sa panahon ng drying-off.

Dinadala niya ang karaniwang 26 litro ng aning gatas sa pagawaan ng pastillas sa katabing barangay (Pulong Bayabas) araw-araw. Ani ang gatas na ito mula sa tatlo niyang ginagatasang kalabaw.

Ang bawa’t litro ng gatas ay nabibili sa halagang Php30 kada litro kung dadalhin sa pagawaan at Php25 kung kokolektahin mula sa bahay ng maggagatas. Sa peak season katulad ng nalalapit na kapaskuhan, tumataas ang presyo ng gatas sa Php35 kada litro.

Mula sa paggagatas at pagtatanim ng mga gulay at palay kung kaya’t naitataguyod ni Ka Vicente ang kaniyang pamilya at nakapagpapa-aral din siya ng mga anak. Sa katunayan, isa sa mga anak niya ang kasalukuyang nagsasanay ngayon sa Maynila para maging isang seaman; isa ang kasalukuyang nasa kolehiyo; at dalawa ang nasa hayskul.

Maliban sa pinansyal na benepisyo buhat sa gatas ng kalabaw, bakas rin kay Ka Vicente ang lantay na pagkahilig sa pag-aalaga ng kalabaw.

“Masaya ako kapag nakikita ko ang aking mga kalabaw, maging ang aking misis at mga anak ay katuwang ko na rin sa pag-aalaga”, ani Ka Vicente.

“Talagang nakatutulong ang gatasang kalabaw sa aming pamumuhay. Kada linggo ay may pera mula sa gatas kaya’t kung may gustong bilhin ang aking mga anak, may mapagkukunan kaagad kami lalo na sa pang-araw-araw na pamalengke. Nahahawan din ang aking bukid para sa pakain sa kanila,” dagdag pa niya.

Sa kabilang barangay, bakas din ang kasiyahang dulot ng mga kalabaw kay Ka Ryan, 35, na mula sa Balong, San Miguel, Bulacan.

Dahil wala pang sariling pamilyang tinutustusan, sobra-sobra ani Ka Ryan ang kita niya mula sa gatasang kalabaw. Pinapakain niya ang mga ito ng sakate at napier na nakukuha naman sa katabi lang niyang lugar.

Ang pagkita ng higit para sa kanyang pangangailangan ay hindi nakapagtataka kay Ka Ryan. Isang patotoo ang karanasan na kaniyang naibahagi. Sa pangatlong beses na pagbubuntis ng inaalagaang albino, ‘di inaasahang ito’y makunan sa ika-7 buwan at 20 araw nitong pagbubuntis. Sa panghihikayat ng AI teknisyan sa kanilang lugar, sinubukan niya itong gatasan.

Laking gulat niya nang makapagbigay ito ng pinakamataas na 10.5 litro ng gatas at pinakamababa na apat na litro sa drying-off period. Mula noon, napatunayan niyang totoong malaki ang pakinabang sa alagang albino.

“Mas gusto ko po talaga na mag-alaga ng kalabaw, huwag lang tatamaan ng kalamidad. Kapag may biglaang pangangailangan, kaya ko na gumawa agad ng pera sa paggagatas kaya’t hangga’t maaari ay di ko nanaisin na maibenta ang aking mga kalabaw”, ani Ka Ryan.

Ang unang lalaking anak ng albino ay naibenta niya noon dahil sa kagipitan. Nguni’t ang mga sumunod niyang karanasan ay higit na nagpatibay sa kaniyang nasumpungang pagmamahal at pagpapahalaga sa mga inaalagaang kalabaw.

Ang mga aning gatas ay kaniya ring ibinibenta sa isang pagawaan ng pastillas sa halagang Php26 kada litro. Inaasahan niyang dagdag na kita at pakinabang pa ang makakamtan sa ikalawang anak ng albino-carrier na magdadalawang taon na.

Maituturing na ibayong sipag at tiyaga ang kaakibat ng pag-aalaga ng mga gatasang kalabaw. At para kina Ka Vicente at Ka Ryan, hindi lang ang benepisyong pinansiyal ang kanilang inaasahang bunga nito kundi maging ang pag-asa at kasiyahang kanilang nadarama dulot ng pag-aalaga ng kalabaw. 

 

Author

0 Response