“World-class” na pampalamuting yari sa sungay ng kalabaw

 

Para sa nakararami, ang sungay ng kalabaw ay isang by-product o patapong bagay na lamang. Nguni’t iba ang pananaw ni Nida Danao: materyales ito para sa paglikha ng isang premium carabao horn jewelry pieces o natatanging pampalamuti sa katawan na tulad sa isang mamahaling alahas.

Dahil dito, itinatag niya ang “Silnag Horn Jewelry”. Ang salitang “silnag”, sa wikang Iloko, ay nangangahulugang sinag ng araw na ibinabandila ang pagliliwanag na namamasdan sa pagsikat nito sa bukang liwayway.

Ipinahihiwatig ng “Silnag Horn Jewelry” ang pag-asa at mithiin ng mga talentadong Filipino artisan na hindi matatawaran ang galing sa paggawa ng mga obrang palamuti o “adornment” mula sa sungay ng kalabaw.

Sabi ito ni Nida, na siyang utak sa likod ng paggawa ng “world class” na mga palamuti sa katawan.

Katulong ang kanyang kabiyak na si John sa pamamahala, ang mga produktong likha ng “Silnag Horn Jewelry” na nagmumula sa pagawaan nila sa Bulacan ay makikita’t mabibili ngayon  sa mga boutique shops at high-end stores sa iba’t-ibang panig ng mundo, kabilang na ang United States (US), Japan, Hong Kong at Europe at sa mga prestihiyosong malls sa bansa.

Pagsisimula

Taong 2006 nang maimbitahan ang mag-asawa na magbakasyon sa US na kung saan ay naisipan nilang magdala ng mga gawang palamuti mula sa sungay ng kalabaw. Pinuhunanan ng Php50,000, ang mga dala nilang produkto ay itinanghal  sa isang exhibit na ginanap sa New York. Nakapagbenta naman sila na naging inspirasyon upang ipagpatuloy ang pagbebenta ng kanilang likhang palamuti.

Mula sa New York, ang mga hindi nabiling palamuti ay kanila namang inilagay sa kanilang puwesto sa isang Sunday market na kung saan ay nagtitinda si Nida ng mga organikong gulay mula sa Benguet. Mainit naman ang naging tugon ng publiko sa pagtangkilik ng kanilang  kakaibang palamuti at mula dito ay sumali na sila sa bazaar, exhibit at trade shows sa iba’t ibang lugar.

Nagbigay-daan ang pagsali nila  sa isang trade show upang  mapukaw ang interes ng may-ari ng isang pinaka-prestihiyosong department store sa bansa na may sangay sa iba’t ibang dako. Dito matatagpuan  ang mga tindahan ng mga may-pinakasikat na pangalan at tatak ng mga natatanging paninda sa buong mundo.

“Nang mag-umpisa na kaming sumali sa mga local bazaar, nagulat kami na nagustuhan ng mga tao ang mga gawa namin. Kakaiba raw ang naging dating nito at akmang-akma rin sa “green fashion” trend dahil eco-friendly ang lahat ng mga materyales na ginagamit namin,” ani Nida.

Para kay Nida, ang kanyang pinagmulang lugar sa Benguet, ay naging daan sa pagkakaroon niya ng siglang-diwa sa pagdidisenyo ng kanyang mga gawa at gayundin sa pagpapakila ng kanyang pinagmulan.

Ipinanganak si Nida, na may dugong Igorota mula sa tribo ng Kankanaey, sa Benguet. Ang kanyang kinalakhang lugar ay biniyayaan ng bulubunduking mga lupain at magagandang tanawin na lalong pinaningning ng mayamang kultura at tradisyon ng mga naninirahan sa lugar na iyon.

Ang malalim niyang koneksyon sa kanyang kapaligiran ay naisasalamin niya sa bawa’t obrang produkto na kanyang nalilikha. 

Ayon sa kanya malaki ang pagpapahalagang ibinibigay ng kanilang komunidad sa mga katutubong kalabaw partikular na sa sungay nito na ginagawang palamuti sa mga tahanan bilang simbolo ng karangyaan.

“Sa aming kultura, ang pagiging mayaman ay nasusukat sa dami ng kalabaw na pagmamay-ari mo.  Isang paraan upang ibahagi ang pagpapapala ng magandang ani ay ang pagsasagawa ng ritwal na cañao na kung saan ay nagkakatay ng mga kalabaw upang ihanda sa isang piging na pinagsasaluhan ng buong nayon,” ani Nida.

Bagama’t walang pormal na pagsasanay sa paggawa ng mga palamuti, bata pa lamang ay kinahiligan na niya ang pakikibahagi sa nakagisnang kaugalian na gawing palamuti ang mga nakikita sa kapaligiran na tulad ng mga dahon, sanga at mga buto ng halaman.

“Ginagawa ko itong mga palamuting laruan na siya kong ibinibigay naman sa aking mga kalaro,” ani Nida.

Nagsilbi rin niyang inspirasyon sa paggawa ng mga kakaibang adorno sa katawan ang kanyang lola na gumagawa ng mga palamuti mula sa mga buto ng ahas at sungay ng kalabaw bilang pansarili nitong gamit.

Simple lang ang kinalakhang pamumuhay ni Nida. Bata pa lamang ay natuto na siyang magtrabaho, tulad ng kaniyang walo pang mga kapatid, sa mga gawaing tulad ng pagtatanim,  pag-aani at pagtitinda ng gulay na siyang hanapbuhay ng kanyang mga magulang.

Upang matustusan ang kanyang pag-aaral, nanilbihan si Nida sa kumbento. Siya ang tagaluto, tagalinis ng simbahan at kuwarto ng mga madre, at paminsan-minsan ay naisasama rin  sa mga gawain ng simbahan.

“Nagsumikap talaga ako na makapagtapos ng pag-aaral. Natapos ko ang kursong Bachelor of Science in Education sa St. Mary’s University sa Nueva Vizcaya. Nagturo ako sa isa sa mga paaralan doon at kalauna’y nakilala ko at napangasawa si John,” dagdag niya.

Marami mang nagbago sa buhay ni Nida nguni’t hindi niya nakalimutan ang paglikha ng mga palamuti hanggang sa mapagpasyahan niyang gawin na itong negosyo.

“Mga eco-friendly materials nga na tulad ng sungay ng kalabaw, shells, scrap wood at mga buto ang pinagtuunan ko sa paglikha ng mga produkto para sa fashion industry.  Ang mga materyales na ginagamit namin ay mula sa mga hayop na hindi kasama sa prohibited list sa Convention on International Trade of Endangered Species o CITES,” saad ni Nida.

Manu-mano, aniya, ang paggawa ng kanilang mga artisan na produkto. At dahil dito’y nakapagbibigay sila ng kabuhayan para sa kanilang mga manggagawa. 

“Nagmumula pa sa Manila at dakong Norte ang suplay namin ng malinis na sungay ng kalabaw na dinadala ng aming mga suppliers sa pagawaan namin sa Bulacan,” ani Nida.

Depende, aniya, sa kanilang  pangangailangan ang dami ng dinadalang sungay. May klasipikasyon naman ang materyales na ito - primera, segunda, at tersiera klase at ang iba naman ay mula sa mga albinong kalabaw.

Para kay Nida, ang paggawa ng isang disenyo ay batay din sa kanyang “mood”. May mga pagkakataon na nakagagawa siya ng mga disenyo sa loob lamang ng ilang oras, nguni’t kung minsan ay bumibilang din ng araw. Ang kanyang mga orihinal na disenyo ay nilalagyan niya ng detalyadong guhit kalakip ang kumpletong direksyon kung paano ito gagawin ng kanyang mga tagagawa.

Mula sa mga inspirasyon niya sa kapaligiran tulad ng imahe ng lumilipad na ibon,mga nalalaglag na dahon o di kaya ay patak ng ulan, ang kanyang mga obra ay mga klasikong disenyo na nagbibigay sa bawa’t magsusuot nito ng kaugnayan sa kanyang kalikasan.

Walo ang kanyang mga tauhan na kinabibilangan ng mga cutters, assemblers at quality control checker.

“Karaniwang ang isang madetalyeng disenyo ay inaabot ng 8-10 araw bago matapos. Pero kung simple lang, 3-5 araw lamang ay yari na,” ani Nida.

Kanyang inilahad na ang mga cutters niya ay mula pa sa Visayas na sadyang talentado sa pagpuputol at pagkikiskis ng sungay.

Mula sa mga cutters, dinadala sa assembler ang materyales upang buuin naman ang mga components batay sa disenyong ginawa ng yayariing produkto.  Sinusuri naman niya ang mga ito  bago tuluyang gawing isang pahiyas.

“Lima hanggang 10 piraso lamang ang aming ginagawa sa bawa’t disenyo na nalilikha. Kung limited edition, tatlo lang ang aming niyayari,” sabi ni Nida.

Iilan lang sila sa kumpetisyon noong una nguni’t nang maglao’y may mga exporters na ring gumagamit ng sungay ng kalabaw na hinahaluan naman ng metal.

“Purong sungay lang ang mga yari naming mga produkto para talagang eco-friendly ang mga ito,” sabi ni Nida.

Sa nabanggit na prestihiyosong department store, mas gusto ng mga kababaihan ay iyong mga unique at statement pieces talaga, dagdag ni Nida. Ito naman ang nais ng may-ari ng nasabing pamilihan, kaya naman sila, aniya pa, ay tinangkilik.

Ayon kay John, nais nilang panatihin ang paggawa ng limitadong disenyo gamit ang mga natural components at pagiging handmade ng kanilang mga horn adornment.

 

Author

0 Response