Tamis ng tagumpay

 

Napakatamis na tagumpay ang tinatamasa ngayon ni AJ Azarcon, may-ari ng Centro Desserts and Café. Bunsod ito ng kanyang pangarap at karanasan mula pagkabata, na itindig ang isang establisyamento na gagawa at magbebenta ng cakes at pastries sa San Jose City, Nueva Ecija at mga karatig na lugar.

Kaganapan nga ngayon ng kanyang pangarap ang “Centro” na isa nang kilalang establisyamento na isang bakery boutique na matatagpuan sa sentro ng lungsod ng San Jose. Ang pangalang “sentro” ng kanyang lugar ang siya niyang itinatak na ring pangalan sa kanyang establisyamento.

Ang ilan sa kanyang mga kilalang produkto ay kinabibilangan ng strawberry shortcake, tres leches cake, lemon torte, carrot cake, decadent chocolate cakes at mga bespoke customized cakes na madalas bilhin ng kanyang mga suki para sa mga okasyong tulad ng kasalan, binyagan pagdiriwang ng kaarawan, at iba pang okasyon.

Bukod sa itinitinda niya ang kanyang mga produkto sa sariling puwesto, eksklusibo rin siyang  tagagawa ng mga cakes at pastries na mabibili naman sa Milka Krem, isang products outlet ng Philippine Carabao Center (PCC) na matatagpuan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

Ang mga ginagawa niyang produkto para sa Milka Krem, na tulad ng Red velvet, blueberry cheesecake, carrot cake, rebel bars, white chocolate brownies, almond blondies at cupcakes ay pawang may sangkap na gatas ng kalabaw.

Pinakamabenta sa mga produkto niyang ito ang blueberry cheesecake.

Ayon sa kanya, karaniwang nasa 20-30 ang bilang ng iba’t ibang cakes ang  ginagawa at dinadala niya kada linggo bilang isang consignee sa Milka Krem.

Nagsimula ang pagiging consignee niya sa Milka Krem nang taong 2013 na taun-taon naman ay pinagmumuling-bago hanggang sa ngayon. 

Likas na hilig

Sadyang nakahiligan na ni AJ ang mag-bake sapul pa sa pagkabata. Para sa kanya ay isa na niya itong “passion”.

“Walong taong gulang pa lamang ako noon nang una akong makagawa ng sarili kong apple pie. At mula noon ay madalas namang nakikihalubilo ako sa mga tiyahin ko o sa mga taong  marunong mag-bake kaya ganoon na lang ang naging interes ko sa gawaing ito,” saad ni AJ.

Ayon sa kanya, para na rin isang “magic” ang pagbe-bake sa dahilang pagkatapos kasi niyang paghalu-haluin ang mga sangkap at isalang sa lutuan ay nagiging cake na ito pagkaraan ng ilang sandali.  Iyon ang lalong nagpasidhi sa kanyang pangarap, dagdag niya.

Pagtuntong niya ng sekondarya ay sinimulan na niya ang kanyang hilig sa paghuhurno. Ipinakilala niya ang kanyang sariling bersyon ng fruit cake na sadyang pumatok sa panlasa ng kanyang mga kaibigan at kakilala.

“Kung sabi ng iba ay star ng Noche Buena ang hamon, sa akin naman hindi magiging buo ang pagdiriwang ng Pasko ng aking mga suki kapag walang fruit cake sa kanilang hapag-kainan. Noon pa mang nasa high school ako, hanggang ngayon, nananatiling tradisyon na ng mga suki ko ang ang pagkakaroon ng fruit cake sa kanilang hapag sa panahon ng kapaskuhan, sabi ni AJ.

Ang kanyang natural na talento sa paggawa ng mga matatamis na panghimagas ay naging inspirasyon niya upang kumuha ng kursong magpapalawak pa sa kanyang kaalaman na may kinalaman sa arts and humanities. Nagtapos siya ng kursong Fine Arts, major in Advertising sa Philippine Women’s University sa Metro Manila.

“Malayung-malayo ang kursong Fine Arts sa pagluluto at pagbe-bake, pero ang aesthetics naman o magandang kaayusan ay naroroon sa ginagawa ko. Bilang advertising naman na aking major, nagagamit ko ito sa aking pagiging “creative and artistic” pagdating sa branding at marketing sa aking negosyo,” sabi niya.

Matapos ang kanyang pag-aaral,  namasukan siya bilang isang quality analyst sa isang multinational company na nakabase sa Maynila. Bunga nito, iniwan muna niya ang nakahiligang gawain at ganap niyang tinutukan ang kanyang trabaho na naging daan naman para siya’y papuntahin sa iba’t ibang bansa upang magsanay.

“Pero habang nagsasanay sa mga bansang tulad ng Australia at South America, dumating ako sa punto na naramdaman kong hindi na ako masaya sa aking ginagawa. Naging mahalaga sa akin na hanapin ko kung ano ang talagang makapagpapasaya sa akin,” sabi ni AJ.

Nagbitiw siya sa kanyang gawain at nagbalik sa San Jose City. 

SIMULAIN

Nang taong 2008, binalikan niya ang kanyang hilig at sa tulong na rin ng kanyang mga kaibigan at kapamilya, nakilalang muli ang kanyang pangalan sa larangan ng cake business. Sinubukan din niyang  magtayo ng sariling pwesto nguni’t sa dakong huli’y ipinasya na lang niyang magpokus sa paggawa ng produkto sa kanilang tahanan sa kanilang lunsod.

Pagkaraan nga ng ilang taon, naging consignee siya sa Milka Krem sa kasunduang gagamitan niya ng gatas ng kalabaw bilang sangkap ang kanyang mga produkto na kanyang dadalin sa products outlet.

Bahagi pa rin ng pakikipagkasundo niya sa Milka Krem ang pagtalima sa patakaran ng International Organization for Standardization (ISO) sa paggawa ng mga produktong lilikhain niya at dadalhin sa nasabing outlet.

“Kami mismo ang naghahalu-halo ng sangkap ng mga cake na ginagawa namin.  Hindi kami gumagamit ng pre-mixed ingredients. Lahat ng produkto na aming dinadala sa Milka Krem ay quality-tested at pasado sa sensory evaluation ng PCC,” ani AJ.

Umaabot sa 20 litrong gatas ang kanyang nagagamit kada buwan sa kanyang mga produktong ginagawa para sa Milka Krem. Hinahango niya ang kanyang suplay mula sa Eastern Primary Multi Purpose Cooperative (EPMPC) sa barangay Sibut sa kanilang lunsod.

Maganda anyang gamitin ang gatas ng kalabaw sa paggawa ng mga panghimagas tulad ng leche flan, yema, at dulce de leche dahil sa mataas nitong fat content na nagbibigay ng malinamnam na lasa sa pagkain.

Dapat, anya, piliin ang tamang mga sangkap upang makagawa ng de-kalidad na mga produkto. Dapat din, anya, na maayos ang produkto lalo na pagdating sa lasa, itsura at akma sa halaga ng binayaran ng mga tagatangkilik.

MGA ARAL

Mayrooong mga aral na nais ipamahagi si AJ.

“Naniniwala ako na nakaakibat sa hanap-buhay  ‘yong tinatawag na suwerte at ibayong pagmamahal sa trabaho. Ito ang mga inspirasyon ko kung bakit lumalago ang aking negosyo,” sabi ni AJ.

Pagdating  naman sa mga kliyente, anya, dapat na maayos ang pagkikipag-usap at gayundin ang work ethics. Kapag sinabi ng kliyente na sa ganitong oras nila kailangan ang order nila, dapat matatapos mo at maibigay mo sa oras ang order nila, sabi pa niya.

Higit sa kinikita ngayon ni AJ mula sa kaniyang negosyo, malaking bagay para sa kanya na nakatutulong rin siya sa mga magsasakang-maggagatas dahil na rin sa paggamit niya ng gatas ng kalabaw sa kanyang mga produkto. Sa tulong na rin ng kita niya mula sa pagdadala ng mga produktong cakes at pastries sa Milka Krem ay nagawa niyang makapagpatayo ng sarili niyang building para sa kanyang negosyo at pagkakaroon ng matatag na estadong pinansiyal.

Larawan si AJ ngayon ng isang mukha ng tagumpay sa gatas ng kalabaw. Sa lahat ng kanyang pinagdaanan, para sa kanya, simple lang ang susi sa tagumpay, “Learn to follow your dreams”. 

 

Author

0 Response