'Bull Farm Operations', Isang napakahalagang aspeto sa 'Genetic Improvement Program' ng PCC

 

Sa bahaging iyon ng bulubunduking lugar sa Barangay Joson, Carranglan, Nueva Ecija ay isang katangi-tanging “farm” ang matatagpuan.

Ito’y ang “national bull farm” ng Philippine Carabao Center (PCC). Sa loob nito, naroroon ang 67 mga de-kalidad at ganap na piniling mga bulugang kalabaw. Mula sa kanila, nanggagaling ang mga semilya na siyang ginagamit sa artificial insemination (AI) na ipinamamahagi sa iba’t ibang panig ng bansa para sa pagpapaunlad pa ng lahi ng mga gatasang kalabaw at sa pagpapaunlad ng lahi ng katutubong kalabaw para maging gatasan.

Nakasalalay sa “farm” na ito ang isa sa mga haligi ng programa ng PCC. Ang genetic improvement program (GIP) na tumutugon sa pagpapaangat ng lahing kalabaw sa pamamagitan ng crossbreeding at backcrossing upang ganap na mapaganda ang lahi ng mga ito at maging kapaki-pakinabang sa mga magsasaka. Sa pamamagitan ng GIP at kaakibat na mga pananaliksik, mapauunlad ang bawa’t aspeto sa performance at productivity ng kalabaw.

Naroroon din sa bull farm ang mga pasilidad sa pagpoproseso sa mga kinokolektang semilya na maingat na isinisilid sa maliliit na “straw” na ipinamamahagi sa iba’t ibang sangay ng PCC, Local Government Units (LGU) at sa mga teknisyan na nagsasagawa ng AI.

Hindi maikakaila, na ang mga bulugang kalabaw na ito ay malaki ang naitutulong para sa pagsusustina sa populasyon ng kalabaw at pagtugon sa patuloy na pagpapagandang lahi ng gatasang kalabaw at mas mataas na kita naman para sa mga magsasaka.

Pangangalaga

Sa “bull farm” na ito, isang ginoo ang 35 taon nang nangunguna sa pag-aalaga sa mga kalabaw. Isa siya sa mga pioneering staff ng PCC na noon ay naging national trainor din ng AI.

Siya ay si Hernando Venturina, 60, bull farm manager. Sa ilalim ng pangangasiwa niya ay ang mga farm workers na tulung-tulong sa wastong pag-aalaga at pangangalaga sa mga kalabaw. 

“Ang tamang pangangasiwa sa farm ay nakadepende rin sa pakikisama sa farm workers. Kapag naging mabagsik ka sa kanila, malaki ang posiblidad na maging ganoon din sila sa mga hayop,” sabi ni Ka Hernando.

At lagi niyang ipinapayo sa mga farm workers:  “Huwag kayong maging mabagsik sa mga alagang hayop at ituring din ang mga ito na parang mga tunay na kaibigan.”

Ang estratehiyang ito ng pangangasiwa, ay di maikakaila na lubhang nakatutulong upang masiguro na nasa wasto ang bawa’t gawain sa loob ng farm.

Kabilang sa mga kaukulang gawain sa farm ay ang araw-araw na pagpapakain sa mga bulugan, pagmomonitor, pagpapanatili ng kalinisan,  pagmimintina sa tamang body condition scores (BCS) ng mga hayop, at pagsiguro sa pagbibigay ng regular na bakuna sa mga alagang hayop.

Isang ipinagmamalaking pasilidad sa farm ni Ka Hernando ang ‘‘exercise ring’’ na ayon sa kanya ay tanging ang national bull farm lamang ang mayroon sa Pilipinas. Sa pamamagitan nito ay sinisiguro na mapapanatali ang wastong timbang ng mga bulugan; ang mga matataba at malalaking bulugan na higit sa normal ang timbang ay pinalalakad dito upang pumayat at tumibay ang kanilang mga binti.

Mula sa bawa’t kulungan ng bulugan hanggang sa makuhanan at maproseso ang mga semilya nito sa laboratoryo ay bahagi ng farm operations at semen processing na tumutugon sa GIP ng PCC.

“Ang bawa’t bulugang kalabaw ay may mahalagang gampanin at kontribusyon sa GIP at nararapat na masiguro na nabibigyan nang wastong pangangalaga at regular na pagmomonitor,” paliwanag ni Ka Hernando.

Bukod dito, ang ilan sa mga bulugan ay inilalaan din para sa Bull Loan Program (BLP) ng PCC para sa mga magsasakang nagpapadala ng kahilingan na mapahiraman ng de-kalidad na bulugang kalabaw.

Pagpoproseso ng semilya

Sa semen laboratory, isa sa mga gusali sa farm, ipinoproseso ang mga kinokolektang semilya. Si Bb. Emma Venturina naman, na kapatid ni Ka Hernando, ang tagapangasiwa rito.  

“Kinokolektahan ng semilya dalawang beses sa isang linggo (tuwing Martes at Biyernes) at dalawang ejaculate ang kinokolekta sa mga bulugang kalabaw,” sabi ni Bb. Venturina.

Bago iproseso ang mga semilya, sumasailalim ito sa ebalwasyon (subjective evaluation) gamit ang Computer Assisted Semen Analyzer kung saan sinusuri ang galaw ng semilya o yung motility para ito ay iproseso. Ang PCC ay may standards na sinusunod na dapat ang semilya ay mayroong hindi bababa sa 60% motile (progresibong gumagalaw at lumalangoy) sperm at may sperm concentration na hindi bababa sa 500 milyon sa bawa’t milimetro pagkakolekta. Kahit na maging mataas ang motility ng sperm, nararapat na magkaroon ito ng standard concentration rate upang masabing may tunay na kalidad ito at epektibo sa AI.  Ang inilalagay na semilya sa isang straw ay humigit kumulang sa 50 milyon. 

Ang concentration at motility level ay dalawang mahalagang criteria na tinitingnan sa pagtukoy ng kalidad ng semilya.

Ang pagpoproseso sa mga semilya at pagpapalamig (freezing) sa liquid nitrogen sa temperaturang -196°C ay tumatagal ng halos walong oras bago ito tuluyang sumailalim sa final/post-evaluation kinabukasan matapos ilagay sa freezer. Ang standard post thaw motility ng PCC ay 30% pero karamihan sa mga ipinoprosesong semilya ay umaabot ng 40-50%.

Ang bawa’t semilya na hindi pumasa sa standard rate ay itinatapon nang maayos upang masiguro ang mataas na kalidad ng semilyang ipamamahagi.

Matapos ang ebalwasyon sa kalidad ng semilya ito ay iniimbak sa semen tank. Ang bawa’t naprosesong semilya ay tinitiyak na sumailalim sa inventory upang mapadali ang traceability kung saan nandoon ang petsa ng pagpoproseso upang madaling matunton kung sakaling magkakaroon ng problema sa semilya.

Ang produksyon ng semilya na napoproseso ay nasa 3,000 hanggang 3,500 straws per collection day at ito ang ipinadadala sa PCC national headquarters at sa mga regional centers.

 

Author

0 Response