Nang dahil sa pagtutulungan, nakatitiyak ng arangkada sa paggagatasan

 

Sa mga mithiin, ang pagbibigay kontribusyon ng bawa’t isang magkakatuwang ay tiyak na susi sa pagkamit ng tagumpay nito. Pagtulong hindi ng iisa, kundi ng marami, ang ipinakikita sa paggagatasan sa Baybay, Leyte.

Dahilan sa pagtutulungan, nakakamit  ng Philippine Carabao Center sa Visayas State University (PCC@VSU) ang mataas na produksyon ng gatas na mula sa mga ‘island born’ na mga kalabaw na Bulgarian Murrah Buffalo (BMB).  Ang pag-aalaga sa pamilya ng gatasang kalabaw ay nagsimula sa nasabing istasyon ng PCC noong 1998.

Ayon kay Dr. Ivy Fe Lopez, OIC director ng PCC@VSU, kaya mataas ang produksiyon ng gatas ng kanilang inaalagaang mga hayop ay bunga ng pagkakaroon ng ‘‘good genetics’’ ng kanilang mga alaga.

“Ito ang nakapagdidikta sa kakayahan ng mga gatasang kalabaw na makapagbigay ng maraming gatas,” paliwanag niya.

Sa kabilang banda, nakatutulong ng malaki, aniya, ang wastong pagpapakain, regular na pagmomonitor at pagmimintina sa tamang kondisyon ng pangangatawan at kalusugan ng hayop sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaukulang mga bitamina at iba pa.

Sa pagpapakain, aniya, umaga pa lamang ay binibigyan na ang mga gatasang kalabaw ng wastong rasyon na binubuo ng concentrates. Sila ay isinusuga rin para manginain ng sariwang damo na humidicola at guinea. Matapos na pakainin, hinahayaan muna ang mga ito na maglublob sa lawa at tuloy uminom ng malinis na tubig upang lubusang makapagpalamig.

Sa pag-aahon sa kanila, may nakalaan ding dayami at molasses na pakain sa kanila.

Paliwanag ni Dr. Lopez, ang estratehiyang ito ay patuloy nilang isinasagawa tuwing magsisimula at matatapos ang bawa’t paggagatas sa mga kalabaw.

“Mahalaga na maikondisyon ang katawan ng mga gatasang kalabaw bago ang milking session.  Aming sinisiguro rin na nakapagpalamig at nakakain nang husto ang mga ito at may sapat din na pakain sa kanilang labangan matapos ang paggagatas,” sabi ni Dr. Lopez.

Koleksyon at pagproseso sa aning gatas

Ayon sa datos mula nang magsimula ang produksiyon ng gatas ng kanilang kawan ng gatasang kalabaw noong Pebrero 2010, tuwing sumasapit ang lactating period ay hindi bumababa sa karaniwang 5 litro ng gatas ang naibibigay ng bawa’t isa sa mga ito. Kung peak season naman ay nasa 7 hanggang 18 litro.

Sa nakokolektang gatas, sinisiguro ng PCC@VSU na ang 30 porsyento nito ay nakalaan para sa mga alagang bulo. Samantala, ang 70 porsyento naman ay binibili ng Baybay Dairy Cooperative (BDC) sa halagang Php50 kada litro. Sa karaniwan, nasa 100-150 litro ng gatas kada araw ang dinadala ng PCC@VSU sa BDC.

Pinoproseso naman ng BDC ang mga gatas sa mga produktong gaya ng fresh milk, choco milk, mango pandan, ice cream, ice candy, pastillas, milk o gel at white cheese (kesong puti) na isinasapamilihan naman sa nasabing lugar. Bukod sa mga walk-in clients, karaniwang mga estudyante at Indian nationals ang tumatangkilik sa mga produktong likha ng kooperatiba.     

“Tulung-tulong ang mga tauhan o empleyado ng PCC@VSU sa pagtatrabaho upang ganap na matugunan ang bawa’t aspeto na kailangang isagawa upang lalong lumakas ang pagbibigay ng gatas ng aming mga alagang gatasang kalabaw,” ani Dr. Lopez.

Sa ipinakikita sa PCC@VSU, napatutunayang kapag sama-sama at nagtutulungan sa paggawa, madaling naaabot ang layunin at mga mithiin.

 

Author

0 Response