Positibong resulta bunga nga 4DX

 

“Ang pagpaplano ay importante nguni’t ang totoong hamon ay nasa pagpapatupad nito”.

Ito ang paniniwala ng mga eksperto tulad ni dating executive director Dr. Libertado Cruz at ng mga kasalukuyang lider ng Philippine Carabao Center (PCC).

Kaya naman sa likod ng mga numerong hinahangad taun-taon ng ahensiya, gumawa ng direktiba ang mga nangungunang tagapamahala na magpatupad ng isang istratehiya upang masinsin na masubaybayan ang implementasyon ng mga programa. 

Isa sa mga mandato ng PCC ay ang produksiyon ng kalabaw na makatutulong upang mapataas ang kalidad ng pamumuhay sa kanayunan. Ang produksiyon ng bulo na inaasahan mula sa ahensiya ay tumataas ng limang porsiyento  kada taon. Upang makamit ito, ang artificial insemination (AI) at bull loan program ay patuloy na isinasagawa katuwang ang mga AI technicians at bull handlers.

Batay sa mga nakalipas na report, lumalabas na hindi naaabot ng ahensiya ang inaasahang produksiyon ng bulo mula sa AI at bull loan program na naging dahilan upang magbaba ng istratehiya ang mga tagapamahala tungo sa pagpapahusay ng pagsubaybay sa naipangakong target ang bawa’t Regional Center.  

Sa pag-upo ni Dr. Caro Salces bilang bagong Deputy Executive Director noong Hulyo 2018, ipinaliwanag niya ang tungkol sa 4 Disciplines of Execution (4DX) na inilimbag ng FranklinCovey at unang ipinakilala noon sa mga Center Directors ng PCC upang magamit na isang instrumento o istratehiya sa pagsasagawa ng mga programa. Sinabi niya na marapat lamang na gamitin muli ng PCC ang 4DX para mapagtuunan ng pansin ang pagkamit ng target.

Batay sa 4DX, ang apat na importanteng disiplina upang makamit ang anumang hangarin ng organisasyon ay: (1) pagtuon sa pinaka-importanteng hangarin o wildly important goal (WIG); (2) pagsasagawa ng pangunahing panukat sa pagkamit ng hangarin; (3) pagbuo ng scoreboard; at (4) pagpapanatili ng pagtanggap sa pananagutan.

Kaugnay sa paggamit ng 4DX, napagkasunduan ng mga Center Directors at program coordinators noong nakaraang taon na ang pinaka-importanteng WIG ng ahensiya ay makamit ang 20,663 target na produksiyon ng bulo hanggang sa katapusan ng Disyembre.

Napagkasunduan din na araw-araw magpapadala ng calf production report ang bawa’t center sa Facebook messenger group chat na pinangangasiwaan ng Operations Team upang makita ang status ng bawa’t center sa pagkamit ng kanilang target. Bawa’t center ay nagtalaga ng kanilang opisyal na tagapagpadala ng daily report.

Ang report ay ginagawan naman ng Operations Team ng tabular at graphical presentation bilang scoreboard at ipinapadala rin sa group chat upang mas maunawaan ng centers. Simple at mas madaling makita sa pamamagitan ng scoreboard kung ilan pa ang dapat habulin na maire-report ng centers.

Ayon din kay Dr. Salces, nagiging mas masigasig ang mga centers sa pagkamit ng kani-kanilang targets kapag nakikita nila ang report ng iba.

Maliban sa pagrereport, ang mga nagpapatupad ng 4DX ay inaasahang magpupulong isang beses sa isang linggo upang planuhin ang mga hakbang sa kasunod na linggo. Mahalagang gawain sa lingguhang pagpupulong ang pagkilala sa kontribusyon ng bawa’t isa sa tagumpay ng buong grupo.

Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng 4DX, mas napaigting ng PCC ang pagsubaybay sa calf production target. Umabot sa 22,303 ang naireport na calf production hanggang sa katapusan ng Disyembre nang nakaraang taon. Katumbas ito ng 107% accomplishment ng ahensiya na ang lundo.

Sa dulo, ang implikasyon nito ay mas matatag na pagtutulungan ng mga katuwang sa industriya katulad ng local government units, AI technicians, mga kooperatiba at samahan. Higit sa lahat, direkta itong makapagpapataas ng kita ng mga magsasaka at iba pang nagnenegosyong salig sa kalabaw.

Ang isang inahing kalabaw ay maaaring makapagbigay ng 1,500 kg ng gatas sa loob ng 300 na araw na nagkakahalaga ng Php90,000 dagdag na kita kung ang kasalukuyang presyo sa merkado ay Php60/kg. Ang lalaking bulo naman ay maaaring patabain at ipagbili para sa produksyon ng karne na ang kasalukuyang halaga ay Php97/kg liveweight.

Upang mas maraming matulungan, ginagamit ng PCC ang 4DX bilang instrumento upang malaman, masukat at mabantayan ang mga naaabot at hindi pa naaabot ng mahahalagang serbisyo tulad ng AI at bull loan. Iminumungkahi rin na gamitin ito sa pagsubaybay ng iba pang target ng ahensiya tulad ng milk production at production support services.

 

Author

0 Response