Sa paggagatasan may maginhawang buhay

 

“Sa pagsikat ng araw, ‘di ko na iniisip kung saan ako kukuha ng ikabubuhay ng aking pamilya. Pati ‘yong baon at pagkain ng aking mga anak sa eskwelahan, at gayundin ang mga gastusin sa bahay. Sagot na ng mga gatasang kalabaw ko ang mga iyon.”

Ito ang buong siglang pahayag ni AndyPoe Garcia, 50, ng Sitio Mapiña, Brgy. San Ildefonso, Magalang, Pampanga, isang magsasakang maituturing na ganap na nagtagumpay sa pagkakalabawan.

Si AndyPoe ay kasapi ng Mapiña Irrigators Association na naitayo noong 2012 at Mapiña Dairy Owners Association noong 2013.

“Dati akong nagsasaka. Pero, dahil sa hirap ng mga gawain gaya ng pag-aararo, pagsusuyod sa bukid na kadalasang di naman malaki ang kita, naisipan ko na maging isang overseas Filipino worker (OFW) sa Riyadh, Saudi Arabia,” sabi ni AndyPoe. “Pero bumalik din ako sa amin dahil ‘di naman ganoon kalakihan ang kita doon,” dugtong niya.

Nagsimula siyang mag-alaga ng isang bulo na pamana ng mga yumaong magulang. At dahil nahikayat ng kanyang bayaw na lumahok sa programang pagkakalabawan ng Philippine Carabao Center (PCC), ito ang pinagtuunan niya ng panahon at pansin.

“Pero hindi naging madali ang aking pagsisimula sa pagkakalabawan,”sabi ni AndyPoe. “Umabot nang halos apat na taon bago ko pinakinabangan ang inaalagaan kong bulo,” dagdag niya.

Ayon na rin sa kanyang pagsasalaysay, ginamit niyang gabay ang mga natutunan niya sa PCC sa pag-aalaga ng kalabaw. Sa loob-loob niya, darating din ang magandang bukas sa kanya sa pag-aani ng gatas. Ito ang dahilan kaya hindi siya sumuko sa gawaing ito.

“Ito na ang pinakamatatag na hanapbuhay na naranasan ko. At ipinagmamalaki ko ito,” ani AndyPoe.

 Bagama’t hindi naman niya maituturing, aniya, na sila ay mayaman, malaki naman ang kaginahawahang nararanasan ng kanyang pamilya kung ihahambing noon.

Pagsisimula ng magandang bukas

Nang dahil sa ‘di niya pagsuko sa pagkakalabawan, sa kasalukuyan, umabot na sa 70 ang mga kalabaw ni Ka Andy, kung saan 40 ang may lahing Bulgarian at Italian Murrah Buffaloes, samantala, ang 30 naman ay mga crossbreds.

Mula sa mga inaalagaang kalabaw, 30 sa mga ito ay ginagatasan niya, katuwang ang dalawa niyang katiwala. Hindi bababa sa 80 litrong gatas ang naaani ko ngayon kada araw,”sab ni AndyPoe.

Tunay na masigasig ang pagganap ni Andy Poe sa gawaing paggagatasan, sapagka’t sa kasalukuyan ay wala siyang ginagamit na milking machine, gayunpaman ay ‘di niya hinahayaan na bumaba ang produksyon ng gatas.

Ibinebenta naman niya ang mga naaaning gatas sa mga Indian nationals na regular na niyang mga mamimili. Nagsusuplay rin siya sa “Susie’s Cuisine”, isang restaurant sa Pampanga.

Paliwanag niya, sa mga aning gatas pa lamang ay may tiyak nang kita sa pagkakalabaw. Dagdag pa rito, ang paminsan-minsang pagbebenta ng bulo na lalaki na karaniwang nagkakahalaga ng Php18,000 ang junior bull na nasa 12-18 buwan ang edad.

“Bilang isang negosyante, sinisiguro ko na mailalaan ko pa rin ang ilang bahagi ng aking kita mula sa gatas sa pagpaparami ng aking mga kalabaw. Kaya naman, kung may pagkakataon ay namimili rin ako ng gatasan mula sa mga kapwa ko magkakalabaw at magsasaka na kusang nag-aalok sa akin sapagka’t batid ko ang magandang produksyon nito sa gatas,” paliwanag niya.

Nang dahil sa gatasang kalabaw, hindi pa man, aniya, nagsisimula ang pagsikat ng araw ay nakapagbebenta na siya ng aning gatas. Malaking kainaman kapalit ng pagod sa pag-aalaga at pagkuha ng pakaing damo na halos nakukuha naman sa kalapit na lugar.

Ang mga sariwang damo gaya ng napier ang karaniwan niyang ibinibigay sa mga kalabaw. Kung kulangin man sa pakain, binibigyan din niya ang mga ito ng “bagaso” (spent grain na mula sa pinigang barley sa paggawa ng serbesa) na binibili naman sa halagang Php5 kada kilo. Sa kanyang karanasan, gusto rin ito ng kanyang mga gatasang kalabaw at nakapagbibigay rin ng magandang ani ng gatas.

Benepisyong pagkakalabaw

Buhat sa pag-aalaga ng mga gatasang kalabaw, nakapagpatapos na siya ng dalawa niyang anak sa kolehiyo sa kursong parehong nakahanay sa agrikultura. Ito, aniya, ang nais niya hangga’t maaari dahil ang kanilang ikinabubuhay ay nang dahil sa agrikultura.

Dagdag pa sa pagpapa-aral ng mga anak, nakapagpundar din siya ng mga sasakyan, at ilang gamit sa bahay.

“Kung ang negosyong paggagatasan o pagkakalabawan ay nanaisin ninyong pasukin, kailangan totoo sa inyong puso. Mahalin din natin ang ating mga kalabaw na parang isang dalagang sinusuyo, at sa tiyak na paggabay ng Panginoon, ang inyong kalabaw ay mapaparami at ‘di kayo magsisisi,” buong galak niyang pahayag.

Ang mga pahayag na ito ni Ka Andy ay buhat sa mga karanasan na kaniya nang pinagdaanan sa gawaing pagkakalabawan kung saan bigkas niya, “Subok ko na ang gatasang kalabaw, ito ay maganda at maaasahang hanapbuhay sa ating mga magsasaka.”

 

Author

0 Response