'Main Course' para sa nutrisyong wasto, kitang husto

 

Sa maraming okasyon na naghahain ng iba’t ibang pagkain gaya ng pampagana, pangunahing pagkain (main course) at panghimagas, ang bawa’t isang kabahagi ng okasyon ay pipili ayon sa kanilang mga nais na marahil ay batay sa kinasasabikang pagkain, ginustong lasa at maging ang kasalukuyang nararamdaman (mood). Gayunpaman, ang pangunahing pagkain na karaniwang pinakamasustansya sa bawa’t menu ang siyang agaw-pansin para sa nakararami.

Ang pangunahing pagkain na tinutukoy para sa pagkonsumo ng tao ay maihahalintulad o tumutugma din sa pagkain ng mga hayop, na ‘di lamang kapaki-pakinabang sa nutrisyon ng mga ito kundi maging sa mga magsasaka upang magkaroon ng mas mataas na kita.

Pangunahing pagkain at benepisyo

Pinangangasiwaan ni Dr. Daniel Aquino, center director ng Philippine Carabao Center sa Central Luzon State University (PCC@CLSU), ang teknolohiyang ukol sa pagpoprodyus ng pinatubong damo at mga legumbre sa bakuran (homegrown grasses and legumes) na nakapagbibigay sa mga magsasakang-maggagatas ng inirerekomendang nutrisyon para sa mga lumalaking gatasang kalabaw.

Ang nabanggit na teknolohiya ay produkto ng isang proyektong pinamagatang “Development of Feeding Protocols to Support the Nutritional Requirements of Dairy Buffaloes” bilang isang bahagi ng programa ng Pananaliksik para sa Pag-unlad (R4D) na “Enhancing Milk Production of Water Buffaloes through S&T Interventions” sa pagitan ng PCC at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD). Pinagtibay ng programang ito ang nutrisyon ng hayop bilang isang mahalagang aspeto.

“Mainam na pagmulan ng nutrisyon para sa mga kalabaw ang mga pinagbuting damo at legumbre, mas ligtas din ito kumpara sa tradisyunal na pagtatali sa hayop habang nanginginain sa pastulan (tethering system), mas matipid at maginhawa para sa mga magsasaka. Maliban pa rito, tumutugon ito sa kakulangan ng pakain sa panahon ng tag-init. Isa pang inirerekomendang teknolohiyang nakatuon sa nutrisyon ng kalabaw ay ang total-mixed ration (TMR) na binubuo ng water hyacinth at banana stalks,” paliwanag ni Charity Castillo, Science Research Specialist II ng PCC.

“Nakapagbibigay ang teknolohiyang pinatubong mga damo at legumbre, pati na rin ang TMR ng maramihang benepisyo sa gatasang kalabaw at mga magsasakang magkakalabaw,” dagdag pa niya.      

Pagkamit ng napapanatiling kabuhayan

Mas maayos na nutrisyon, mas mataas na kalidad ng gatas at karne, at mas mahusay na pagpaparami ng mga bulo ang ilan sa mga benepisyong naisasagawa sa pamamagitan ng wastong pagpapakain at pangangalaga sa mga kalabaw. Kaya naman, ang pagtutuon ng pansin sa inirerekomendang nutrisyon para sa mga gatasang kalabaw ay mahalaga para sa produksyon ng pagkaing pangkonsumo para sa tao, pati na rin sa pagpapatuloy ng kabuhayan ng mga magsasakang nakasandig sa pagkakalabaw.

Upang matiyak ang posibilidad ng pagpapatuloy ng kabuhayan sa pamamagitan ng nabanggit na teknolohiya, ang limitadong taniman o pastulan ng mga maliliit na magsasasaka ay ‘di problema sapagka’t ang pagtatanim ng mga damo at legumbre sa isang ektaryang lupa ay sasapat na sa 10-15 kalabaw sa isang buong taon.

Kumakatawan sa ‘‘main course’’ ang mga damo at legumbre para sa mga gatasang kalabaw habang ang mga produktong gatas naman ay tumutukoy sa mga panghimagas sa isang menu, na nagpapahiwatig ng masiglang kabuhayan para sa mga maggagatas.

“Ang bawa’t produktong-gatas ng PCC ay mula sa iba’t ibang uri ng mga damo sa pamamagitan ng kalabaw (‘di sa kahit na anong makina), na kinakailangan lamang ng wastong pangangalaga,” paliwanag ni Dr. Aquino.

Ipinakita ang nabanggit na teknolohiya sa “Farmers’ Field Day and Technology Expo” bilang bahagi ng lingguhang selebrasyon ng anibersaryo ng PCC. Ang pagtatanghal ng mga teknolohiya rito ay naglalayon na ipakilala ang pagkakalabawan, paggagatasan at pati na rin ang mga negosyo at kabuhayang salig dito.

Nasa 400 kliyente ng PCC ang dumalo sa nabanggit na selebrasyon na binubuo ng mga magsasaka, mga katuwang at kabalikat na mga ahensya sa industriya ng paghahayupan at paggagatasan. Karamihan sa mga kalahok ay mga kooperatiba ng magsasakang inaasistehan ng PCC sa iba’t ibang sangay ng rehiyon.

Sa kasagsagan ng pagdiriwang na nagpapakita ng iba’t ibang teknolohiya, agaw-pansin sa marami ang mga pambihirang pagkain at produktong-gatas na may libreng tikim, nguni’t karamihan sa mga magkakalabaw ay mas interesado pa rin sa teknolohiyang ukol sa nutrisyon ng alagang hayop – ang pundasyon ng magandang kalusugan ng hayop.

Gabay ng mandato nito, tinutulungan ng PCC ang mga kliyenteng magsasaka na magkaroon ng mas mataas na kita at maging negosyante sa pagkakalabaw sa pamamagitan ng karne at gatas na makukuha rito. Kung mauunawaan nang lubos ang konsepto sa likod ng produktibong paggamit sa mga kalabaw, tiyak na magbibigay daan ito sa pagpapatuloy ng kabuhayan.

Kaya naman, ang sapat na atensiyon ay kailangang agarang ibigay sa paraan pa lamang ng pagpapakain sapagka’t may malaking bahagi at epekto ito sa pagkamit ng nararapat na sustansya sa pagkakaroon ng pinakamataas at mainam na produksyon ng gatas at dekalidad na karne mula sa mga inaalagang kalabaw.

 

Author

0 Response