Mga 'Genetically Superior Bulls', mainam sa pagpapaangat ng lahi ng kalabaw

 

Maraming pakinabang ang bulugang kalabaw. Hindi lamang sa pangunahing kontribusyon nito bilang lakas pang-araro sa bukid, pagkakaroon ng mas maraming karne, kundi pati na rin sa pagpapalahi upang magkaroon ng maaasahang magandang kawan.

Maraming pagpapatunay na nagsasaad na pinakamainam ang paggamit ng bulugan kung ihahanay sa iba’t ibang pamamaraan ng pagpapalahi.

Ang tatlong bulugang kalabaw ng Philippine Carabao Center (PCC) na maituturing  na“genetically superior bulls”  ay mga purebred Philippine buffalo. Sila’y hindi lang magilas at matikas kundi de-kalidad dahil sa maganda nilang lahi.

Sa pamamagitan ng pagtingin sa estimated breeding value (EBV) records ng bawa’t bulugang nasa pangangalaga ng PCC, maituturing na ang mga pinangalanang “Zeus”, “Tomas” at “Dexter” ang may matataas na EBV at magandang lahi sa mga bulugang kalabaw.

Sa kasalukuyan, sina “Tomas” at “Dexter” ay nananatili sa pangangalaga ng PCC National Bull Farm (NBF), samantala, si “Zeus” naman ay nasa PCC sa University of the Philippines-Los Banos (PCC@UPLB). Ang nakokolektang semilya mula sa mga bulugan ay maingat na ipinoproseso at ginagamit para sa artificial insemination (AI) ng mga kalabaw sa iba’t ibang dako ng bansa.

Sila’y mahusay na pinili at pinag-aralan ang ganda at lahi ng kanilang pamilya.

“Mahalaga na masustinahan ang pagkakaroon ng mga de-kalidad na semilya mula sa de-kalidad na mga bulugan na siyang nagagamit sa patuloy na pagpaparami ng kalabaw na may pinagbuting lahi,” paglalahad ni Dr. Ester Flores, tagapamuno ng PCC Animal Breeding and Genomics Section.

Batayan sa pagpili

Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng PCC sire directory ay madaling natutukoy ang mga pagkakakilanlan ng mga bulugan at ang kinabibilangang lahi na pinagmulan ng mga ito, gayundin ang sukat ng ganda ng lahi sa paggatas sa pamamagitan ng EBV ng bawa’t isa.

Ang pagtukoy  sa EBV  ay may tiyak na kabuluhan sa dahilang malaki ang  kontribusyon nito sa pagpaparami ng bilang ng mga de-kalidad na kalabaw sa Pilipinas, lalo na yaong mga gatasan na siyang prayoridad sa ilalim ng Genetic Improvement Program (GIP) ng PCC.

Ang GIP ay nasa ilalim ng pamamatnugot ng breeding expert na si Dr. Flores.

Maliban sa EBV, isinaalang-alang din ang mahusay na potensyal ng mga magulang ng bulugang kalabaw bilang batayan. Kabilang dito ang pagbibigay ng mataas na ani ng gatas sa ina at dami naman ng anak mula sa ama.

Mga natatanging bulugan

Ayon kay Hernando Venturina, farm supervisor ng NBF, karaniwang nagiging pangalan ng mga bulugan ay nakasunod din sa tagapag-alaga ng mga ito. Ito marahil ay bunga ng labis na pagmamahal nila sa mga alagang bulugang kalabaw.

Dagdag niya, ang bawa’t bulugan ay mayroong pantay-pantay na animal health management sa farm. Isang malaking bahagi na binibigyang-pansin sa mga ito ay ang pagtiyak na maganda ang kanilang pangangatawan, nababakunahan ng regular, at nabibigyan ng kaukulang mga bitamina.

Si “Zeus” ay itinuturing na una sa may pinakamataas na EBV na nasa 599.50. Siya ay ipinanganak sa PCC sa Central Mindanao University (PCC@CMU) noong Setyembre 28, 2014 at inilipat sa PCC@UPLB noong taong 2015.

Batay sa datos ng PCC, ang ina ni Zeus ay kayang magbigay ng gatas na aabot sa pitong litro kada araw. Ang kaniyang ama naman ay may siyam na babaeng supling.

Sumunod si “Dexter” bilang pangalawang bulugang may EBV na nasa 565.53. Ipinanganak siya sa PCC sa Visayas State University (PCC@VSU) noong Setyembre 23, 2015 ngunit inilipat siya sa NBF noong 2016.

Ang kaniyang ina ay may kakayahang magbigay ng gatas na aabot sa higit sa walong litro at kaniyang ama ay mayroon ding siyam na supling.

Ikatlong bulugan si “Tomas” na bagama’t mas bata sa dalawang nabanggit na bulugan ay may EBV na 456.23. Siya ay ipinanganak sa PCC Gene Pool noong Oktubre 4, 2014.

Si Tomas at Dexter ay may parehong ama. Samantala ang ina ni Tomas ay nakakapagbigay ng mahigit sa walong litro sa isang araw.

“Ang isang pinakamalinaw na dahilan sa pagkakaroon ng magandang performance at mataas na EBV ng mga bulugan ay dahil sa pagkakaroon nila ng magandang lahi,”ani Dr. Flores.

Pagpapaliwanag hinggil sa EBV ng mga bulugang kalabaw

Katulad ng potensyal o kakayahan ng mga magulang na pinagmulan ng mga natatanging bulugan, ang mataas na EBV ng isang bulugang kalabaw, bilang pangunahing batayan sa pagkakapili, ay maipapamana sa kanilang mga anak na bulo ang kalahating porsyento ng kanilang tinataglay na EBV para sa paggagatas.

Gayunpaman, ayon sa pagpapaliwanag ni Dr. Flores, ang mahusay na pagpili para sa kombinasyon ng lahi ng ama at ng ina ng mga kalabaw ay higit na may malaking epekto sa resulta ng EBV ng mga supling nito. Ang tinataglay na EBV ng mga bulugang kalabaw ay pinagsamang kontribusyon ng kanilang mga magulang.

Sa programang GIP, masusing inaaral ang genetic merits ng dalawang pinaglahing kalabaw upang magkaroon ng mga bulugang may matataas na potensyal para sa paggagatas para sa anak na babaeng kalabaw at masustina naman ang magandang EBV sa mga bulugan. 

Bunsod ng mga inisyal na pag-aaral na ito, patuloy ang PCC sa pangunguna ni Dr. Flores sa mga pagsasaliksik pa ukol sa fertility rate ng mga bulugang kalabaw na may mataas na EBV upang mapanatili ang kalidad ng semilya na naipoproseso ayon sa itinakdang panuntunan ng mga processing facility ng PCC.

Mula sa mga inisyatibo, serbisyo at teknolohiya ng PCC, lalo na sa pagpapalaganap ng mga semilya mula sa mga de-kalidad na bulugan, nakatitiyak ng pagkakaroon ng bago’t bagong henerasyon ng mga mahuhusay na gatasang kalabaw sa Pilipinas. Bunga nito, inaasahan ang pag-unlad ng buhay ng mga magsasakang maggagatas sa mga kanayunan.

 

Author

0 Response