Mas pinasarap na ice cream na gawang pinoy mula sa gatas ng kalabaw

 

Sa isang “tropical country” gaya ng Pilipinas hindi na nakapagtatakang maging paboritong kainin ang ice cream. Kalimitan itong nagsisilbing pampalamig tuwing tag-init, panghimagas, merienda o kasama sa inihahain sa kahit anong okasyon.

Ngayo’y maaari nang makabili ng ice cream na may gatas ng kalabaw. Ito ay mas malinamnam at masustansiya kumpara sa kalimitang frozen desserts sa merkado. Gumagawa nito ang Balanga Dairy Products, Philippine Carabao Center (PCC) sa Nueva Ecija, at PCC sa University of the Philippines–Los Baños (UPLB).

Home-made ice cream ng Balanga

Ang negosyong home-made ice cream ay pwedeng pagkakitaan kahit hindi tag-araw. Isang oportunidad na hindi pinalagpas ng samahang City of Balanga Small Ruminant Raisers Association o COBSRRA na gawing negosyo.

Gamit ang label na Balanga Dairy Products, buong pagmamalaki nilang pinakikilala ang kanilang produktong home-made ice cream na gawa sa gatas ng kalabaw.

Ayon kay Maricris Alipio, 43, general manager ng Balanga Dairy Products, ang paggawa ng home-made ice cream ang nagbunsod sa COBSRRA na magtayo ng isang product kiosk na matatagpuan sa tabi ng Galleria Victoria sa Balanga City.

“Dahil sa naitala naming kita na Php95,000 sa pagbebenta ng ice cream noong 2018, kaya naisipan namin na gawin na itong negosyo at magkaroon ng sariling pwesto na nagbukas nitong nakaraang Hulyo lamang,” saad niya. 

Bukod sa ice cream na may dalawang flavors (vanilla at chocolate) na mapagpipilian, nagbebenta rin sila ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw tulad ng kesong puti, pasteurized milk, chocolate milk, yogurt milk, pastillas, pulvoron, at milkaroons at mga produktong gawa sa karne ng kalabaw tulad ng tapa, tocino at papaitan mula sa PCC at Central Luzon State University (PCC@CLSU) products outlet.

Ang pagsabak nila sa ganitong larangan ng negosyo ay paghahanda lamang sa mas malaki pang oportunidad na pwedeng tamasain ng kanilang samahan sa kabuhayang salig sa pagkakalabaw.

Nito lamang Pebrero ay nabiyayaan ang kanilang samahan ng walong Italian Mediterranean Buffaloes sa pangunguna ng PCC@CLSU, Provincial Veterinary Office, at City Veterinary Office ng  Balanga City. Ang mga gatas na makokolekta sa mga kalabaw ang siyang gagamitin sa pagpoproseso ng iba’t ibang produkto para sa dairy product processing na negosyo ng COBSSRA.

Sa kasalukuyan ay humahango muna ang samahan ng gatas ng kalabaw mula sa mga magsasaka-maggagatas sa kanilang lugar upang gamitin sa paggawa ng kanilang home-made ice cream habang hinihintay na makakolekta sa kanilang mga inaalagaang gatasang kalabaw.

“Umaabot sa 20 litrong gatas ang nagagamit namin sa pagpoproseso ng ice cream. Dalawang beses sa isang buwan kung kami ay gumawa nito. Noong Hulyo ay nakapaggawa kami ng 500 cups ng ice cream na may katumbas na kita na Php15,000,” ani Alipio.

Hindi pa kalakihan ang aming kinikita dahil nagsisimula pa lamang kami sa ganitong larangan ng pagnenegosyo, gayunpaman, nagpapasalamat kami sa tulong at suporta na aming natatanggap mula sa PCC@CLSU at lokal na pamahalaan ng Balanga City,” dagdag niya.

“Mula sa ice cream maker, freezer at chiller na tulong sa paggawa ng aming mga produkto, malaking bagay na ito upang pasimulan namin ang negosyong mula sa gatas ng kalabaw dala ang pangalan ng lunsod ng Balanga,” wika ni Alipio.

‘Gelato’ ng PCC

Kung ice cream na mababa ang fat content ang pag-uusapan, hindi papahuli ang bagong likhang produkto ng punong tanggapan ng PCC sa Nueva Ecija — ang "gelato" na ang pangunahing sangkap ay gatas ng kalabaw. Ito’y nakalinya rin sa mga paborito at hinahanap-hanap na panghimagas ng mga Pinoy.

Isang uri ng malamig na panghimagas, ang gelato ay nagmula sa salitang italyano na "congelato" na ang ibig sabihin ay "frozen". Hindi kagaya ng mga naunang nabanggit na produkto, ang gelato ay malaki ang kaibahan sa karaniwang ice cream.

Ayon kay Teresita Baltazar, food technologist ng PCC-Carabao Enterprise Development Section, lumalabas sa mga isinagawang pag-aaral ng mga eksperto na ang gelato ay mababa ang fat content na nasa 4% hanggang 9% lamang kumpara sa karaniwang ice cream na nasa 10% pataas. Magandang balita ito para sa mga parokyanong may edad na at iba pang umiiwas sa mga pagkaing mataas ang fat content.

Sinabi rin niya na ang sangkap ng gelato na ginagawa ng PCC ay purong gatas ng kalabaw at walang idinadagdag na cream kaya ang fat content lamang nito ay 6%-7%.

"Kapag inihahain ang gelato, mas mababa ang temperatura nasa -12 ° C hanggang -14 ° C lang. Mas malambot din ito kumpara sa karaniwang ice cream na kalimitan ay sobrang tigas kapag kinain," paliwanag niya.

Ang pinagkaiba, aniya, kapag kinonsumo sa ganoong temperatura ay mas malalasahan ang flavor ng gelato dahil hindi sobra ang lamig kaya ang taste buds ay hindi masyadong namamanhid.

Mas mababa rin ang overrun o pag-alsa ng gelato kumpara sa karaniwang ice cream.

Sa Central Dairy Collecting and Processing Facility (CDCPF) ng PCC ipinoproseso ang gelato at iba pang mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw na mabibili naman sa products outlet nito na “Milka Krem”.

Ayon kay Jennica Jove, science research specialist at manager ng CDCPF, may pitong regular na flavors ang gelato na ginagawa nila. Ang mga ito’y original flavor na purong gatas ng kalabaw (bestseller), vanilla, chocolate, strawberry, ube, pandan, at mocha.

Nagkakahalaga ng Php40 ang isang cup (100mL) ng gelato; Php120 ang isang pint  (475mL); Php380 ang half gallon (1.75L); at Php720 ang 1 gallon (3.5L).

Ang gatas ng kalabaw na ginagamit ng planta sa pagpoproseso ng iba’t ibang produkto ay mula sa mga gatasang kalabaw sa institutional herd ng PCC at mga kolektang gatas, na binibili nila sa halagang Php55-Php70 kada litro mula sa mga magsasakang maggagatas na inaasistehan ng PCC.

Ani Jove nasa 70-75 litro ng gatas kada araw ang pinoproseso nila para sa paggawa ng gelato.

“Bukod sa nakatutulong tayo sa mga maggagatas natin dahil binibili natin ‘yong sobrang gatas na nakokolekta nila, nakatutulong din tayo na i-lift ‘yong spirit nila dahil nakikita nilang tinatangkilik ‘yong produkto nila. Tumataas ‘yong demand ng gatas dahil minamarket natin. Madadagdagan ‘yong pwede nilang pagbentahan ng gatas nila,” saad ni Jove.

Para masiguro naman ang kalidad ng gatas na nakokolekta at ipinagbibili ng mga maggagatas ay may libreng seminar at pagsasanay na isinasagawa ang PCC ukol sa proper milk handling, cooling, at sanitation.

Tinitiyak din nila, aniya, na sa planta ay ginagawa at pinatutupad nila ang lahat ng mga gawaing alinsunod sa “Good Manufacturing Practices”.

Masaya ring ibinahagi nina Baltazar at Jove na kabilang sa premium flavors ng gelato na ipoproseso nila sa susunod na taon ay ang pistachio, hazelnut, dragon fruit, avocado, at sweet corn.

yoghurt soft-serve ice cream at gelato ng PCC SA uPLB

Tulad ng Milka Krem sa Science City of Muñoz, ang sangay ng nasabing establisyemento sa UPLB ay nagbebenta rin ng frozen dessert na may gatas ng kalabaw gaya ng gelato at yoghurt soft-serve ice cream. Kalimitang tumatangkalik nito ay mga estudyante sa UPLB.

Ayon kay Thelma Canaria, person-in-charge sa processing ng Milka Krem sa UPLB, matagal na silang gumagawa ng yoghurt soft-serve ice cream habang nitong taon lamang sila nagsimula gumawa ng gelato.

Ang yoghurt soft-serve ice cream ay nagtataglay ng good bacteria na mainam sa digestion. Ito ay mabibili sa halagang Php27 kada 70-80 grams cup.

Kalimitang naghahanda at nag-iimbak ng mixture na isinasalang sa makinang panggawa ng ice cream araw-araw.  Sa ngayon ay “original” pa lang ang variant ng nasabing ice cream

Sa kabilang banda, ang gelato naman ay patok dahil sa pagiging creamy nito lalo’t maraming gatas ang inilalagay dito. Kung kaya’t ibinibenta naman ito ng Php40 kada 70-80 grams cup. Sinimulan itong iproseso noong Setyembre ng taong ito at ngayo’y mayroon nang dalawang gelato flavours.

 “Kumukuha kami ng gatas mula sa kawan ng PCC@UPLB. Minsan ay kumukuha rin kami sa apat na kooperatiba na inaasistehan ng PCC@UPLB,” ani Canaria.

Sa isang buwan, nakagagamit ng 30 litrong gatas sa yoghurt soft-serve ice cream habang 103 litrong gatas naman sa gelato.

Ayon sa asawa ni Thelma na si Jose Canaria, PCC@UPLB Senior Science Research Specialist, aabot sa 140 na kalabaw ang inaalagan ng PCC@UPLB, 21 kalabaw rito ang ginagatasan na nakukuhanan ng 130 litro kada araw.

Isinasailalim sa masusing pagsusuri ang gatas na ginagamit sa Milka Krem sa UPLB para matiyak na mainam itong i-sangkap. Upang masiguro ang kalidad ng ice cream at gelato ay may isang empleyado ang nakatalaga sa quality control ng mga nasabing produkto.

“Ang Pilipino ay likas na mahilig talaga sa panghimagas kaya mainam ang magbenta ng ice cream at gelato,”pagbabahagi ni Canaria. Dagdag niya, maaaring ilagak ang mga ito sa freezer nang aabot sa 6 na buwan.

Sa hinaharap ay balak nila Canaria na i-promote sa masa ang kanilang ice cream at gelato.

Ang Milka Krem sa UPLB ay pinapamahalaan ng PCC@UPLB. Ito ay naitayo noong taong 2017. Maaaring makabili mula rito ng iba’t ibang produkto ng mayroong gatas ng kalabaw tulad ng pasteurized milk, flavored-milk, at pastillas.

Tunay ngang maipagmamalaking gawang Pinoy ang mga pampalamig na produktong gaya ng ice cream at gelato, na mas pinasarap dahil sa sangkap nitong gatas ng kalabaw. Naglalarawan lamang ito sa angking galing ng Pinoy sa paglikha ng iba’t ibang uri ng mga pagkain.

 

Author
Author
Author

0 Response