Haw haw de Kar-?-ba?!

 

Mahirap magpatakbo o ‘di kaya’y magbukas ng sariling negosyo, lalo’t may pandemya. Nguni’t para sa magkaibigang Jamie Viktoria Ortiz at Justine Anne Sabido ng Kar-?-ba? Milk, may magandang oportunidad sa anumang pagsubok. At sa panahong ito, ang nakita ng magkaibigan ay pagkakataong hindi lang kumita kundi makatulong sa kapwa.

Sa kabila ng kaakibat na hamon sa pagpapatakbo ng Kar-?-ba? Milk dahil sa limitadong kakayahan at pabagu-bagong protocols sa gitna ng pandemya ay hindi nagdalawang-isip na sumubok ang mga batang negosyante sa kabuhayang salig sa kalabaw. Buo ang kanilang loob na makatulong sa mga magsasaka-maggagatas sa kanilang lugar.

Ang Kar-?-ba? Milk ay isang online store na nagbebenta ng mga de-kalidad na produktong gawa sa gatas ng kalabaw. Ang kanilang mga produkto ay inaangkat pa mula sa Rosario Dairy Cooperative sa Rosario, Batangas. Gamit ang kanilang sariling brand name, ang kanilang mga produkto ay umaabot na sa Quezon City, Muntinlupa, Cavite at sa iba pang lugar sa Maynila.

Hunyo 2020 nang pasimulan ng magkaibigan,  na nooý parehas pang estudyante sa kursong Dentistry sa University of the East, ang Kar-?-ba? Milk.

Ayon kay Jamie, nahikayat silang gawing negosyo ang pagbebenta ng produkto mula sa gatas ng kalabaw dahil sa napanood nilang balita tungkol sa sobrang suplay ng gatas ng mga magsasaka-maggagatas sa kasagsagan ng pandemya.

“Sa pagbuo ng munting negosyo na ito, naging pangunahing layunin namin ay makatulong sa mga magsasaka-maggagatas sa kanilang kabuhayan. Naghanap kami ng mapagkukunan ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw at doon nga ay napili namin ang Rosario Dairy Cooperative sa Rosario,”ani Jamie. 

Kabilang sa kanilang mga inaangkat na produkto ay ang pasteurized milk, raw milk, yogurt, kesong puti, mozzarella cheese, at pastillas.

Gamit ang mga social networking sites tulad ng Facebook at Instagram at puhunan na Php15,000, pre-order ang kanilang naging ordering system. Parte ng kanilang marketing strategies ay ang paggawa ng magandang konsepto sa kanilang mga post at instagrammable na mga larawan. Tuwing Huwebes ang kanilang cut-off sa pagkuha ng order at tuwing Sabado naman ang delivery ng Rosario Dairy sa kanila. Online payment at cash on delivery ang kanilang mode of payment.

Bukod sa kanilang magkaibigan ay may dalawa pa silang tauhan na nagsisilbing rider para sa delivery service nila.

Sa umpisa ay mga kamag-anak, kaibigan at mga kakilala ang kanilang naging parukyano hanggang sa lumawak na ang kanilang napagbibilhan na umabot na sa Quezon City at kalakhang Maynila. Karaniwan ay nasa edad 40 pataas ang kanilang mga mamimili. Pinakamabenta ang kanilang pasteurized at raw milk.

Sa kanilang unang taon ay nakapagtala sila ng pinakamataas na kita noong nakaraang Disyembre. Ayon pa sa kanila, sila ay karaniwang kumikita ng Php50,000 bilang kanilang monthly gross sale.

Challenging lang ang pagbebenta ng ganitong produkto dahil highly perishable. Noong una ay nasisiraan kami kaya inayos namin ‘yung transportation system para maiwasan ang pagkasira ng mga produkto,”ani Justine.

“Sa una ay libangan lang namin ito talaga, pero ngayon ay nakatutulong na ang kinikita namin para sa aming pag-aaral,”dagdag pa niya.

Para sa magkaibigang Jamie at Justine, higit na naging makabuluhan ang kanilang ginagawa dahil sa tulong na naibibigay nila sa mga miyembro ng koop. Sa pamamagitan ng munti nilang negosyo, hangad nila na maiangat at maipakilala pa ang iba’t-ibang produktong gawa sa gatas ng kalabaw sa mas marami pang lugar.

Author

0 Response