Payamang Pamayanan ng Buliran

 

Malamig ang simoy ng hangin na yumayakap sa kalikasan. Ang langit ay malinaw at mapayapa, habang ang Ilog Pampanga ay marahang umaagos, wari’y nakikisabay din sa katahimikan ng bagong araw. Kalauna’y, sunud-sunod na kalabaw ang dumating at nagsitampisaw sa malamig na tubig ng ilog.

Nagising ang pampang sa kanilang huni, sa tunog ng mga kumakaskas na tabo sa kanilang mga likod, at sa halakhak ng mga magsasakang abala sa pagkukuskos at pagbibiruan. Ang kanilang tinig ay tila musika na bumabasag sa katahimikan ng lugar. Makalipas ang ilang sandali, inahon na ng mga magsasaka ang kanilang mga kalabaw na tila kabahagi na ng kanilang sariling pamilya. 


Ito ang karaniwang tagpo ng umaga sa Buliran, San Antonio, Nueva Ecija—isang simpleng larawan ng umagang puno ng pag-asa at 'di-mapapantayang ugnayan ng magsasaka at ng kanyang alagang kalabaw.


Ang kalabaw ay itinuturing na isang buhay na simbolo ng kultura at tradisyon ng mga taga-Buliran. Bago pa man dumating ang mga makabagong makinarya sa pagsasaka, ang kalabaw ay katuwang na ng kanilang mga ninuno sa bawa’t gawain sa bukid. Noong mga panahong iyon, ito ang kanilang pangunahing kasangga sa maghapong pagtatrabaho sa lupa, na tumulong upang mapalago ang kanilang kabuhayan.


Nguni’t sa paglipas ng mga taon, hindi lamang sa pagsasaka naging mahalaga ang kalabaw. Kinikilala na rin ng mga taga-Buliran ang kalabaw bilang isang pinagkukunan ng gatas at karne—isang mahalagang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay. Sa kasalukuyan, bihira na ang tahanan na hindi nag-aalaga ng kalabaw. Ayon sa datos ng barangay, mahigit-kumulang 200 kalabaw na ang inaalagaan sa Buliran, isang patunay ng patuloy na kahalagahan nito sa komunidad.


Ang Buliran ay pinagpala ng masaganang uri ng lupa, kaya’t ang mga tagarito ay abala sa pagtatanim ng mga gulay at prutas. Samantalang hinihintay ang panahon ng anihan, nakatuon naman sila sa pag-aalaga ng kalabaw bilang isa pang pangunahing gawain.


Ang patuloy na pagdami ng bilang ng mga crossbred na kalabaw sa lugar ay bunga ng masigasig na pagsisikap ng DA-PCC sa pagpapalaganap ng artificial insemination (AI). Dagdag pa rito, ang tuluy-tuloy na pagsasagawa ng mga animal health-related activities ng National Impact Zone (NIZ) ng ahensya ay nakatulong sa pagpapabuti ng kalusugan at pagdami ng mga kalabaw sa Buliran.


Sa paglipas ng panahon, nagiging hamon sa kanila lalo na sa mga matatandang henerasyon ang pagpapanatili sa kabuhayang pagkakalabawan. Ayon sa konsehal ng barangay na si Serafin Mendoza, maraming mga kabataan na nagsipagtapos ng pag-aaral ang mas piniling mangibang-bansa upang maghanap-buhay. 


Upang ipagmalaki at ipakita ang benepisyo ng pag-aalaga ng kalabaw, idinaos ng barangay ang kauna-unahang pista ng kalabaw noong Abril 9, 2025. Ibinida rito ang mga naglalakihan at naggagandahang mga crossbreds. Isa sa mga pinakabatang lumahok sa pagdiriwang ay si Jeremie Mendoza na 12 taong-gulang. Hila-hila ang kanyang kalabaw na kanyang pinangalanang “Jr.Anmar,” masaya siyang nakibahagi sa mga patimpalak at kasiyahan sa pagdiriwang. 


Sa pangunguna ni Kapitana Rosalie Mendoza, kasalukuyang nasa yugto ng pag-aasikaso ng papel ang barangay upang bumuo ng isang kooperatiba para sa mga magkakalabaw. Ang grupong ito ay tatawaging Samahang Magsasaka ng Isla Buliran Agriculture Cooperative. 


Ang sekreto sa matagumpay na pagkakalabawan sa Buliran ay nakaugat sa magandang pamumuno at matibay na pagkakaisa ng buong komunidad. Hindi lamang ito simpleng proyekto o hanapbuhay—ito ay isang buhay na tradisyong nagbubuklod sa bawa’t pamilya at bawa’t institusyong tumutulong sa kanilang pag-unlad.


Sa likod ng bawa’t naliligong kalabaw sa ilog, ng bawa’t kwentuhan sa pampang, at ng bawa’t pag-ani ng bunga ng kanilang pagsisikap, ay ang paniniwalang sama-samang pag-angat ang tunay na susi sa kaunlaran. Sa katunayan, malalim na nakatanim sa puso ng mga taga-Buliran ang kanilang mission at vision—na sa pagkakaisa nagmumula ang progreso, at sa pagkakaunawaan nagsisimula ang mapayapang pamumuhay.


At sa bawa’t araw na lumilipas, patuloy nilang isinusulat ang kanilang kwento—isang kwentong hindi lamang tungkol sa kalabaw at bukid, kundi isang kwento ng bayanihan, determinasyon, at pag-asa. Sa Buliran, ang kalabaw ay hindi lamang hayop sa sakahan o hayop na pinagkukuhanan ng gatas; ito ay simbolo ng buhay na may saysay, kultura ng kalinangan, at matatag na kinabukasang sama-samang binubuo.
 

Author

0 Response